Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. Ateneo vs UP
4 p.m. NU vs La Salle
Team Standings: UE (2-0); National University (2-0); Ateneo (2-0); Santo Tomas (1-1); FEU (1-1); La Salle (0-2); Adamson (0-2); UP (0-2)
IKATLONG sunod na panalo ang pagtatangkaan ngayon ng dalawa sa tatlong nangungunang koponan sa 77th UAAP men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Unang sasalang ang Ateneo kontra sa wala pang panalong University of the Philippines bago ang inaasaang mainit na sagupaan sa pagitan ng wala pang talong National University at nagdedepensang kampeon La Salle University.
Ang Ateneo Eagles, NU Bulldogs at UE Warriors ang mga koponan na nasa liderato sa liga na pawang may 2-0 record.
Galing ang tropa ni coach Bo Perasol mula sa impresibong 97-86 panalo sa Archers noong Linggo kaya’t paboritong manalo pa sa Maroons na may 0-2 karta.
Sa kabuuan, ang UP ay may 23-game losing streak na nagsimula noon pang 2012 kaya’t walang ibang dapat asahan sa Maroons kungdi ang magsikap para putulin ang masamang marka.
Sasandal ang Bulldogs sa ipinakikitang magandang pagtutulungan para ipantapat sa mas malalaki pero inaalat na Archers na binuksan ang kampanya para maidepensa ang titulo gamit ang dalawang dikit na kabiguan.
Napilayan pa ang La Salle dahil hindi magagamit ng koponan ang starting guard Thomas Torres dahil sa foot injury. Mas matatag na depensa ang hanap ni coach Juno Sauler dahil ito ang bumigay sa huling yugto dahilan upang matalo sila sa FEU at Ateneo.
Sina Jeron Tent, Almond Vosotros at Jason Perkins ang kakamada ng puntos pero dapat na masuportahan sila ng mga big men na sina Norbert Torres at Arnold Van Opstal para hindi pagkumpulan ng depensa ng kalaban.
( Photo credit to inquirer news service )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.