KUMAMBIYO ang Malacañang sa naunang panawagan ni Pangulong Aquino na magsuot ng dilaw ang mga tao bilang suporta sa kanyang desisyon na ipatupad ang Disbursement Acceleration Program (DAP) kahit idineklara pa itong unconstitutional ng Korte Suprema.
Ayon sa isa sa tagapagsalita ng Pangulo na si Presidential Communications Operations Office (PCOO) head Secretary Herminio “Sonny” Coloma, biro lang daw ‘yun ni Aquino sa ginawang Daylight Dialogue sa Malacañang na dinaluhan ng mga negosyante.
Hindi naman daw kailangan seryosohin nang husto ng publiko ang pagsusuot ng yellow ribbon na kilalang kulay ng mga Aquino.
Matapos kasi ang pahayag ni PNoy na magsuot ng yellow ribbon, may nanawagan na magsuot naman ng peach para ikampanya naman ang impeachment laban sa pangulo. ‘Yung iba kulay naman ng bandera ang ikinakampanya habang itim naman ang sa iba.
Biro man o hindi ang naging pahayag ni PNoy, malaki ang epekto nito sa pagkakaisa ng buong bansa.
Matagal na panahon na watak-watak ang mga Filipino at ang pagbuhay muli ng pagkakaroon ng kulay o grupo sa bansa ay hindi makatutulong.
Meron tayong mga batas para maging isa tayo sa pagsunod ng mga alintuntunin sa bansa.
Ang Korte Suprema ay simbolo rin ng pagkakaisa ng bansa dahil ito ang takbuhan ng lahat kung may mga isyung dapat resolbahin.
Para sa ordinaryong Filipino, kung ano man ang nagiging desisyon ng Kataastaasang Hukuman ay dapat galangin.
Kayat para magmula ang pahayag mula sa Pangulo na nanawagan ng pagkakahati-hati ay hindi magiging maganda para sa buong bansa.
Nitong Biyernes nga ay naghain na ng motion for reconsideration ang Malacañang para iapela ang desisyon ng Korte Suprema.
Nangako naman ang Palasyo na igagalang ni PNoy ang magiging pinal na desisyon ng Korte Suprema.
Nararapat lamang na Malacañang ang magpakita ng ehemplo na igagalang nito ang anumang desisyon ng SC dahil sino pa ang susunod sa batas kung mismong gobyerno ay hindi tumatalima rito.
Usap-usapan sa Malacañang si Budget Secretary Florencio “Butch” Abad.
Nitong Huwebes, nagpalabas ng pahayag ang kanyang opisina hinggil sa tanong ng Malacañang Press Corps (MPC) sa briefing kung kailan siya magpapakita.
Ayon sa pahayag, nais man niyang sumagot, abala siya para sa paghahanda sa 2015 proposed budget.
Nagbibiruan tuloy ang mga reporter na meron siyang oras na magmonitor ng briefing pero wala siyang oras na magpaliwanang ng personal sa DAP.
Dati kasi, kapag may isyu laban kay Abad, takbuhan niya agad ang Malacañang para magpaliwanag dahil iniere ang briefing sa government-run na PTV-4 at sa Radyo ng Bayan.
Abangan natin kung kailan lalabas si Abad. Naduduwag?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.