DATING gawi, walang pagbabago.
Ito pa rin ang kaisipan ng ating mga kababayan mula sa mga bansang Iraq at Libya. Ayon kay Assistant Secretary Charles Jose ng Department of Foreign Affairs, sa 900 na mga Pilipino sa Iraq, tatlo lamang ang nagsabing gusto nilang umuwi, gayong Crisis Alert Level 4 na ang ipinatutupad doon.
Katwiran ng ating mga kbabayan, mas matindi pa rin ang gerang sasalubong sa kanila dito sa Pilipinas kung iiwan ang mga bansang itong. Mas mahirap anila rito dahil ang naghihintay sa kanila rito ay kawalan ng trabaho, mataas na mga bilihin at walang aasahang pagkakakitaan.
Ayon pa kay Jose, gayong nasa Alert Level 3 ang Libya, o voluntary repatriation ang ipinatutupad doon, may 300 na ang nakauwi at may 300 pang papauwi.
Maliit na bilang pa rin kung ikukumpara sa mahigit 11,000 mga dokumentadong Pilipino ang naroroon.
Katwiran nila, wala namang pangangailangan pang umuwi, tahimik pa naman sa kanilang lugar at normal pa ang lahat. Saka na lang sila uuwi kapag kailangang-kailangan na talaga.
Kaligtasaan ng bawat Pillipino sa ibayong dagat ang pangunahing tinutugunan ng pamahalaan.
Ito naman ang tinuran ni Administrator Hans Leo Cacdac ng POEA. Wala naman ‘anyang naiuulat na mga employer na inaabandona na lamang ang ating mga OFW sa Libya.
Mahigpit din itong ipinatutupad sa Pilipinas. Kahilingan ang guarantee of security para sa mga Pilipinong exempted sa deployment ban at pinapayagang makabalik ng Libya.
Para naman sa mga nagdesisyong umuwi na ng Pilipinas, nakahanda naman ang programang pangkabuhayan para sa ating mga OFW.
Ito ang ginawang pagtiyak ni OWWA Administrator Rebecca Calzado. Pagdating pa lamang sa airport, aasistihan kaagad sila ng OWWA kung kailangang ihatid hanggang sa kanilang mga probinsiya. At nakalatag naman ang reintegration program ng OWWA kung anong hanapbuhay ang nanaisin nilang simulan sa kanilang pagbabalik.
Nais ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na paigitingin pa ang serbisyo sa mga paliparan sa Pilipinas para sa mga nag-uuwiang overeseas Filipino workers. Nais din niyang pabilisin ang mga panuntunan sa mga airport para sa mga OFWs na galing sa mga nagkakagulong bansa.
Maaasahang matutugunan kaagad ito dahil alam nilang diskartehan ang mga bagay-bagay dahil sa haba na rin ng panahon ng kanilang paglillingkod sa loob at labas ng bansa — ang mga opisyal ng DOLE.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.