Reyes, iba pa sasabak sa Doha World 9-Ball
PANGUNGUNAHAN ni Efren “Bata” Reyes ang kampanya ng mga Pinoy billiard players na sasabak sa 2014 WPA World 9-Ball Championship na pormal na magsisimula ngayong Sabado, Hunyo 21, sa Al Sadd Sports Club sa Doha, Qatar.
Maliban kay Reyes, nabigyan din ng mga puwesto sa main event o Stage 2 group round ng torneo sina Carlo Biado, Lee Van Corteza, Dennis Orcullo, Antonio Gabica, Jeffrey De Luna at Israel Rota.
Sina Corteza, Biado, Orcullo, Gabica at De Luna ay nagkaroon ng garantisadong puwesto sa torneo dahil sila ay nasa top 24 ng kasalukuyang WPA world rankings.
Si Reyes, na naging kampeon sa 1999 World 9-Ball Championship sa Cardiff, England, at Rota ay binigyan naman ng puwesto buhat sa kanilang continental federation.
Ang Fil-Canadian at dating world 9-ball champion na si Alex Pagulayan ay kasali rin sa torneo. May 116 manlalaro na ang nakapasok sa stage 2 at may 12 pa na magmumula sa qualifying stage o Stage 1, na ginanap ngayong Hunyo 16-19, ang bubuo sa 128 manlalaro na maglalaban-laban sa main event.
Ito naman ang ikalimang diretsong taon na ang Qatar ay magsisilbing punong-abala ng pinakaprestihiyosong pool tournament sa mundo kung saan 128 billiard players mula sa higit 40 bansa ang magsasalpukan para tanghaling hari ng 9-ball pool.
Ang Stage 2 ng torneo ay magsisimula ngayong Sabado at magtatapos sa Hunyo 24. Ang mga manlalaro ay hahatiin naman sa 16 grupo na bubuuin ng walo na maglalaro ng race-to-9, alternate break, double elimination format.
Ang top four players ng bawat grupo ang bubuo ng final 64, na siyang magsisimula ng knockout single elimination round ng torneo. Ang mga laban dito ay magiging race to 11, alternate break.
Ang final round ay isasagawa naman sa Hunyo 27 at ito ay isang race to 13. Ang defending champion at world No. 1 na si Thorsten Hohmann ng Germany ay pipilitin namang maidepensa ang kanyang hawak na titulo ngayong taon.
Tinalo ni Hohmann sa finals noong isang taon si Gabica, 13-7, para mauwi ang ikalawang world 9-ball title at ito ay makalipas ang 10 taon matapos na mauwi ang nasabi ring korona sa Cardiff noong 2003.
Ang tatanghaling kampeon ay tatanggap ng $30,000 habang ang runner-up ay mag-uuwi ng $15,000. Ang event ay kabuuang premyo na $200,000.
Ang Qatar Billiard and Snooker Federation ang muling magho-host at nag-organisa ng World 9-Ball Championship dito at ito ay may pahintulot ng World Pool-Billiard Association (WPA) at Asian Pocket Billiard Union (APBU).
( Photo credit to inquirer news service )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.