HINDI na bago ang mga kwento na nagkaroon ng relasyon ang OFW sa kapwa nito OFW sa ibayong dagat.
Kaya nga nauso ang terminong Foreign Affairs (may karelasyon sa abroad) o di kaya’y BST (Biyudo o Bi yuda sa Taiwan), kung nasa Taiwan naman ang OFW. Kahit buhay na buhay pa ang mga asawang naiwan sa Pilipinas, pakilala ng ilan sa kanila, patay na ang kanilang mga asawa.
Kamakailan lamang, may batang iniuwi si Celia, OFW mula sa Middle East. Hindi nito anak ang bata. Matandang dalaga si Celia kung kaya’t nag-interes siyang dalhin na lamang ang bata pauwi sa Pilipinas.
Palibahasa’y ilegal na ang status ng babaeng nag-buntis sa bata kung kaya’t hindi niya maiparehistro ang kaniyang anak sa kaniyang pa-ngalan. Ganun din ang ama ng bata. Hindi rin nito maako na anak niya ang bata dahil iligal din siya.
Nang ipanganak sa ospital ang bata, naghanap pa sila ng isang babaeng OFW doon na legal ang status para piakiusapan na gagamitin ang kanyang pangalan at mga dokumento para palabasin na sa kanya ang bata.
Dahil sa tindi ng awa ng OFW, hindi sa mga kapwa nito OFW, kundi sa bata, pumayag ito na ipagamit na lamang ang kaniyang pangalan at mga dokumento. Matapos mabigyan ng pangalan ang bata, naghanap na naman ang tunay na ina ng isa pang mapakikisuyuang OFW para siyang mag-uuwi sa kanyang anak sa Pilipinas. Ibinigay niya ito sa nagmamalasakit na OFW na ang pangalan ay Celia.
Ayon sa nagluwal sa bata, hindi niya maaaring iuwi sa kaniyang pamilya sa Pilipinas ang naturang bata. Sabi niya ayaw niyang masira ang pagsasama niya at ng kanyang tunay na asawa na narito sa bansa. At hindi rin anya matatanggap ng kanyang mga anak na nagka-anak siya sa labas.
Ang ibig sabihin lamang, walang plano si misis na ipagtapat kay mister at sa kaniyang mga anak ang naging pagkakasala at pakikipag-relasyon niya sa isa ring may-asawa.
Ganoon din ang pag-iisip ng lalaking OFW. Hindi rin niya kayang ipagtapat sa misis na nagkaanak siya sa ibang babae habang nasa abroad. Matindi pa nito, nakiusap pa ito sa karelasyon na bahala na siya kung anong gagawin sa bata. Hayun, naglahong parang bula ang siraulong OFW.
Kaawa-awa tuloy ang bata na mala bolang dinidribol at pinagpapasa-pasahaan nang kung sinu-sino dahil sa pagiging iresponsable ng kanyang mga magulang.
Mabuti na lamang may katulad ni Celia na kayang magmagandang loob. Ang bata ay ibinigay na lamang sa kanya nang walang kasulatan.
Ngayon na naririto na sila sa Pillipinas ng kanyang anak-anakan, nababahala naman itong si Celia. Marami siyang mga takot na baka isang araw, biglang dumating na lamang ang tunay na ina ng bata at bawiin sa kaniya ito.
Gayong wala siyang anumang pinanghahawakan, umaasa si Celia na sana’y maging legal ang pag-aampon niya sa bata. Hindi nito alam kung saan magsisimula dahil babalik na naman siya sa abroad.
Ngayon, kailangan pa niyang kumuha at magbayad ng tagapag-alaga ng bata. Kaya naman pa-kiusap niya sa Bantay OCW na matulungan siyang maisa-ayos ang lahat lalo pa’t napapamahal na ‘anya siya sa bata.
Sa susunod na edisyon ng Bantay OCW, ipapaalam po namin sa inyo kung anong aksyon ang mga kinakailangang gawin sa ganitong problema.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM Address: 2/F MRP Bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad St., Makati City Lunes – Biyernes, 10:30 am 12:00 noon, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0927.649.987. E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.