April Boy ayaw nang kumanta, lahat ng piyestahan tinanggihan
Nu’ng mga nakaraang linggo, panahon ng mga fiesta, ay napakarami pa ring kumukuha sa serbisyo ni April “Boy” Regino. Mabentang-mabenta ang Jukebox King at Idol Ng Bayan sa mga ganu’ng piyestahan.
Kabisado kasi ng mga kababayan natin ang mga pinasikat niyang piyesa, kasabay niyang kumakanta ang audience, bibihira ang tulad ni April “Boy” Regino na hindi binibitiwan ng manonood kapag nagsimula na siyang kumanta.
Pero standard ang isinasagot ni Madel de Leon, misis ni ABR, sa mga kumukuha sa kanya. Talagang hindi na nagso-show ngayon ang kanyang mister, nagbukas sila ng business para sabay nilang pamahalaan, ang Sante Pure Barley office na nasa Annapolis, Cubao.
“Si JC na po ang kumakanta ngayon, si April naman, palagi siya sa opisina namin, maganda po ang takbo ng Sante Pure Barley office namin. Kinakapos pa nga kami ng stock kung minsann dahil sa dami ng mga gumagamit ng Barley dito sa atin.
“Nakakatuwa nga dahil si JC, sinuwerte rin sa naging decision niyang huwag nang magtrabaho sa Amerika. Nag-recording siya, ‘yung ‘Wasak’ na ginawa ni Vehnee Saturno.
“Most Wanted Song na po ‘yun ngayon. Talagang maghapong pinatutugtog ng mga FM deejays ang song niya. Kaboses din po siya ni April, medyo bago lang ang atake ni JC sa pagkanta.
Masaya po kami para sa kanya,” kuwento ng magandang misis ni April Boy. Marami na kaming naririnig na kuwento tungkol sa pagiging sobrang epektibo ng Sante Pure Barley, ang wheat grass na mula pa sa New Zealand, malaki ang utang na loob na tinatanaw ng Jukebox King sa kanilang produkto kaya gusto niyang palaganapin ang husay nito sa ating mga kababayang gustong mabuhay nang matagal.
“Ang reason po ni April, kung ano ang nakatulong sa matinding pagkakasakit niya nu’n, ‘yun ang gusto niyang i-share sa mga kababayan natin. Milagro po ang ginawa ng Sante Pure Barley kay April,” pagdidiin pa ni Madel.
Ligtas na sa prostate cancer si April “Boy” Regino, ipinakita sa amin ng mag-asawa ang kanyang medical record, una sa Diyos at sa magagaling niyang doktor at palaging isinasama ng singer sa kanyang pasasalamat ang nagawa ng Sante Pure Barley sa kanyang pagkakasakit.
( Photo credit to EAS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.