Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
8 p.m. San Mig Coffee vs Talk ‘N Text (Game 3)
NGAYONG bumaba na ang serye sa best-of-three, ang magwagi sa Game Three ng PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup ay napakahalaga para sa Talk ‘N Text at San Mig Coffee sapagkat mas lilinaw ang kanilang pananaw at kapit sa korona.
Kaya naman inaasahang mas magiging mainit ang Game Three ng Finals sa pagitan ng Tropang Texters at Mixers mamayang alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Nagpamalas ng kakaibang determinasyon ang Tropang Texters na nagwagi sa Game Two, 86-76, noong Linggo. Napanalunan ng Mixers ang Game One, 95-80.
“Effort is the number one thing. We played with a lot more intensity, a lot more energy and that resulted in a win,” ani Talk ‘N Text coach Norman Black. “We had to see what San Mig was doing to us. And we took advantage of the fact that their big guys are guarding our small guys. We had to be quicker.”
Pinangunahan ni Jayson Castro ang Talk ‘N Text nang gumawa siya ng game-high 30 puntos. Ang import na si Richard Howell ay nagdagdag ng 18.
Matinding depensa ang ipinamalas ng Tropang Texters at nalimita nila ang Mixers sa 15 puntos sa unang yugto at 16 sa ikatlong yugto. Nakalamang sila ng 16 puntos, 65-49, papasok sa ikaapat na yugto.
Bunga ng matinding depensa ng Talk ‘N Text ay nalimita ang scoring ng two-time Most Valuable Player na si James Yap at Peter June Simon. Si Yap ay nagtala lamang ng anim na puntos samantalang gumawa lang ng apat si Simon. Hindi rin halos nakaporma sina Mark Barroca, Joe Devance at Ian Sangalang.
Sina James Mays at Justin Melton ay kapwa nagtapos na may tig-15 puntos samantalang gumawa ng 11 puntos si Marc Pingris.
“Both teams are very talented and it’s the job of the coaching staff to keep the players as fresh as possible and study the games and make adjustments,” sabi ni Black na nagsabing tiyak na paghahandaan nang husto ni San Mig Coffee coach Tim Cone ang Game Three.
Si Black ay patuloy na sasandig kina Jimmy Alapag, Ranidel de Ocampo, Larry Fonacier, Kelly Williams at Niño Canaleta.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.