Pacman game na game na nakipag-piktyuran kay Justin Bieber
KUMALAT sa social media ang litrato kung saan nakitang magkasama sina Pambansang Kamao Manny Pacquiao at controversial international singer na si Justin Bieber.
Nag-krus ang landas ng dalawa sa Amerika matapos ang laban nina Pacman at Timothy Bradley. Ayon sa isang website, nagkita ang dalawa sa The Grove, isang kilalang shopping mall sa Los Angeles, California, noong April 16, kasama ni Manny noong araw na iyon ang Team Pacquiao habang si Justin naman ay kasama ng kanyang mga bodyguard.
Sabi sa ulat, nasa Apple store ang kongresista nang makita siya ni Justin at nag-request kung pwede silang magpa-picture, pumayag naman si Pacman at game na game na nakipagchikahan sandali sa sikat na singer.
Ang kampo raw ni Justin ang nag-upload ng picture nila ni Pacquiao sa internet. Ibig sabihin lang nito, nakalimutan na ni Pacman ang ginawang pambabastos sa kanya ni Justin noon, kung matatandaan nag-post ng mga nakakabwisit na litrato ang international singer nang matalo si Manny sa laban nila ng Mexican boxer na si Juan Manuel Marquez noong 2012.
Kilalang supporter din ng boksingerong si Floyd Mayweather, Jr..Samantala, usap-usapan din sa social media ang pagsa-shopping ni Pacman sa Amerika, balitang gumastos ang congressman ng 20,000 US dollars para sa mga pantalon at t-shirts ng kanyang mga alipores.
Isang pares naman ng Ferragamo shoes ang binili ni Pacquiao para sa kanyang sarili. Naging successful din ang charity auction ng Manny Pacquiao Foundation para sa mga Yolanda survivors.
Ginanap ang event sa bahay nig isang Victorino Noval sa Beverly Hills. Balitang nagbayad ng 1,000 US dollars each ang mga pumunta sa auction.
Ayon sa nabasa naming report, nabili sa halagang 40,000 US dollars (o P1.6 million) ang duguan na boxing trunks na ginamit ni Pacquiao sa boxing bout nila ni Bradley sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
Ang kanyang boxing gloves naman ay nabili sa halagang 10,000 US dollars.
( Photo credit to EAS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.