IPINAKIKITA lamang na mas handa sa politika, artista, sugal, cell phone, at marami pang bagay ang taumbayan at mga lider kesa sa paghahanda kontra baha, landslide, bagyo at iba pang kalamidad.
Handa na ang lahat para sa matataas na opisyal ng gobyerno, maging sa Mindanao, para sa paglilitis kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona sa Senado.
Handa na ang lahat para sa panunungkulan ng hihiranging lider ng Autonomous Region in Muslim Mindanao. Handa na ang lahat para sa pagpapatuloy ng madalas na maudlot na peace talks.
Handa na ang lahat para litisin ang apat na opisyal ng militar bunsod ng patraydor na pagpatay sa bayaning mga kawal ng hukbo sa Al-Barka.
Pero, malinaw na hindi handa ang gobyerno para maiwasan ang pagkamatay ng mga bata’t matatanda sa baha.
Hindi handa ang mga lokal na pamahalaan sa kabila ng mga trahedya sa Ormoc, Leyte; Guinsaugon, St. Bernard, Southern Leyte; Pagadian City (mga namatay sa tsunami) at mga landslides sa Compostela Valley at iba pang bahagi ng Mindanao.
Madaling burahin sa isipan ng mga politiko ang leksyong iniiwan ng bawat trahedya’t kalamidad.
Ano nga naman ang kahalagahan ng mga leksyon? Mas mahalaga nga naman kung paano mananalo sa susunod na eleksyon, kung paano pahihirapan ang kaaway at kung paano maghahari nang matagal.
Ano nga naman ang kahalagahan ng pagtuturo ng “heightened flood disaster prevention and management” sa lahat ng komunidad at barangay.
Madaling magbilang ng mga namatay sa Cagayan de Oro at Iligan cities at espesyalidad ito ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, at wala nang iba.
Ang bilang ng mga nasawi sa Cagayan de Oro at Iligan ay patunay ng kapabayaan ng gobyerno.
Malinaw na patunay din ito ng kapabayaan at katangahan, dalawang pagkukulang na kapag ipinagsama ay mauubos ang imbak na mga kabaong para bigyan ng disenteng lamay at libing ang mga nasawi.
Bakit walang namamatay sa baha sa Navotas at Malabon? Bakit walang namamatay sa pananalasa ng mga bagyo sa Batanes?
Sa bawat pamilya, masakit ang mamatayan. Sa nakalasap ng matinding bangis ng bagyo sa Iligan at Cagayan de Oro cities, mas masakit ang mamatayan sa kapaskuhan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.