KAHIT ano pa ang sabihin ng mga aktibista at mga constitutional experts sa Senado, kailangan nating maibalik ang US troops sa bansa upang pangalagaan ang ating seguridad.
Dapat magkaisa ang mga Pinoy na makabalik sa ating bansa ang sundalong Amerikano upang magkaroon ng US presence dahil sa ating hidwaan sa China.
Kapag nag-away ang Pilipinas at China dahil sa Spratley islands at Scarborough Shoal, tiyak na ilalampaso tayo ng China.
Anong laban natin sa modern weapons, mga missiles, fighter jets at barko de guerra ng China?
Wala tayong mga nabanggit na armas, at kung meron man ay noon pang panahon ng Pangalawang Digmaan ginawa.
Kailangan natin ng kasangga, ng Big Brother na tutulong sa atin upang labanan natin, na parang langgam kung ikukumpara sa higanteng bansa.
Kung kinakailangang baguhin ang ating Constitution upang mapabalik ang mga Kano, gawin natin.
Kalimutan natin ang ating pride—sabi ng iba, “fried chicken”—dahil maraming namamatay sa kahambugan.
Ipinagbabawal kasi ng Saligang Batas ang foreign troops na mamalagi sa bansa.
Pero di ba namamalagi na ang US troops sa bansa dahil tinutulungan ang ating mga sundalo na labanan ang Abu Sayyaf?
Kung walang Amerikano, sa akala ba natin ay matatalo ng ating tropa ang mga Abu Sayyaf na suportado ng international terrorist group na Al Qaeda?
Nagbubulag-bulagan lang ang ating mga mambabatas sa matagalang pamamalagi ng US troops sa Mindanao.
Ang dahilan ay ang Visiting Forces Agreement kung saan nagkakaroon (kuno) ng war games ang Filipino at US troops.
Huwag na tayong maging ipokrito, payagan na natin silang mamalagi sa ating bansa.
Pero kailangan na may safeguards ang pamamalagi ng US troops sa ating bansa na inimumungkahi ni Sen. Miriam Defensor-Santiago, isang constitutional expert.
Sundin natin ang mga sinasabi ni Maid Miriam tungkol sa pagpayag nating manatili ang mga Kano sa bansa upang magkaroon ng “balance of forces” sa Asya.
Ang Pinas kasi ay strategic location para sa America.
For example, maaari nating hingan ang mga Kano ng mga hand-me-down modern weapons at military hardware gaya ng jet planes, C-130 transport planes, barkong pandigma at six-by-six trucks.
Natigil ang pagbigay sa atin ng mga hand-me-downs ng America nang pinalayas natin sila sa Clark Air Base at Subic Naval Base noong 1991.
Masakit man sabihin, but let’s face it, beggars can’t be choosers.
Tayo’y mahirap na bansa—kasalanan ng liderato na hanggang ngayon ay mahirap pa rin tayo kahit na umasenso na ang mga kalapit-bansa—at ipagpaliban muna natin ang pride o pagmamalaki.
Magtiyaga muna tayo na maging under the protective umbrella of the United States hanggang sa maging asensado na tayo at puwede nang magsarili.
Ang ating dinadanas na kahirapan at pang-aapi ng China ay magtutulak sa atin na maging asensadong bansa.
Kung totoo ang akusasyon ng kanyang family driver sa kanya, aba’y may diperensiya sa utak itong si Albertito Lopez III, anak ng dating Iloilo Congressman Albertito Lopez at dating Gov. Emily Lopez.
Sinuntok ni Albertito the Third si Teofilo Gabelo dahil lamang daw sa natagalan ang driver na bumili ng chicken steak sa isang restaurant.
Naghihintay kasi si Albertito III sa kotse habang bumibili si Gabelo sa restaurant ng “take home” chicken steak.
Para lang diyan, manununtok na siya?
Di lang panununtok ang ginawa ni Albertito III, pinagbantaan pa niya na papatayin niya ang pamilya ni Gabelo.
“Bakit naman po ninyo gagawin yan (pagpatay ng kanyang pamilya),” sabi ni Gabelo sa kanya.
“Trip ko lang,” ang sagot daw ni Albertito III.
Basag ang pula nitong si Albertito the Third kung totoo ang akusasyon ni Gabelo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.