KADALASANG complaint na naririnig natin sa mga kababaihang OFW na nagtatrabaho sa Middle East na kinukumpiska ng amo ang kanilang mga cellular phones.
Pero may backup phone sila na pinakatago-tago upang magamit sa panahon ng emergency.
Pero iba itong reklamo ni Judith na kasalukuyang nasa Saudi Arabia.
Narito ang mensaheng ipinadala ni Odette Constantino sa Facebook account ng Bantay OCW may kinalaman sa kapatid nitong si Judith de Leus.
“Humihingi po kami ng tulong para sa kapatid kong si Judith na nasa Jeddah.
Pinagbabawalan po siyang gumamit ng cellphone, minsan kinuha sa kanya yung cellphone niya at iniba ang language.
Pinagtulungan po siya ng mag-asawang Arabo, tapos po pag umaalis po yung mga amo niya, ipina-podlock po ang bahay. Wala rin po siyang rest day.
Dalawang bahay din po ang kanyang nililinis. Kapag tatawag po kami sa kapatid ko, dadaan po muna kami sa amo niya.
Pinagbantaan din siya ng amo niyang lalaki na pag nahuli siyang gumamit ng cellphone, kukumpiskahin nila iyon.
Hindi rin po siya pinalalabas ng bahay, dahil nga po wala din siyang day off. Natatakot po yung kapatid ko kasi lagi po siyang pinagbabantaan ng amo niyang lalaki.
Ang ikinatatakot pa po namin baka mawalan na kami ng komunikasyon sa kanya. Kasi pag gumagamit ng cellphone ang kapatid ko, nagtatago po siya sa CR. Natatakot na rin po yung kapatid ko kasi po nasaktan na rin po siya ng amo niya.
Gusto na po niyang umuwi, nagsumbong po siya dun sa agency nila lagi lang daw pong sinasabi na gagawan ng paraan tapos sasabihan siya na tapusin na lang yung kontrata. Gagawan daw nila ng paraan eh hanggang ngayon di naman nila gingawan ng aksyon. Halos wala na rin pong pahinga ang kapatid ko . Sana po matulungan po ninyo siya na makaalis dun sa amo niya. Fil-Expat Placement Agency Inc.(FEPA INC.) ang ahensiyang nagpaalis po sa kaniya. Mga bata pa po ang mga anak niya naaawa po kami sa mga pamangkin namin kasi po halos hindi nga po nila makausap ang nanay nila”.
Nakalulungkot naman ang sinasapit ng kababayan nating si Judith at ng maraming gaya niya, na sa halip na makapag-concentrate sa trabaho, takot ang umiiral sa kanila.
Ipinadala na po natin sa ating Konsulado ng Pilipinas sa Jeddah ang reklamong ito at sa tanggapan ni POEA Administrator Hans Leo Cacdac. Hintayin na lang natin ang kanilang aksyon.
Nakakataba naman ng puso, dahil muling tinanghal na “Best Public Service Program” ang Bantay OCW. Ika-anim na taon na po tayong nananalo at this time ginawaran tayo ng Hall of Fame sa katatapos na 12th Gawad Tanglaw na ginanap sa San Juan de Letran College sa Calamba, Laguna.
Huling panalo na ito ng Bantay OCW dahil hall of famer na tayo, kaya naman taus-pusong pasasalamat an gaming ipinaaabot sa mga hurado ng Gawad Tanglaw. Inihahandog namin ang pagkilalang ito sa milyon-milyon nating mga OFW saan man sa mundo.
Nais ko ring ibahagi ito sa lahat ng mga tumulong, mga nakasama noon at mga kasama namin. Dahil po sa inyo, posible ang paglilingkod bayan ng walang pag-iimbot.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.