Sa isang pagtitipon ng Congressional Spouses Foundation, Inc. ay nakilala ko si Gng. Sol Albano-Fernandez, kapatid ni Congressman Rodolfo T. Albano III ng unang distrito ng Isabela.
Tinanong ko sa kanya kung ano ang pinakatanyag na pagkain sa Isabela at walang alinlangan niyang sinagot ang Pancit Cabagan, na pinanglanan sa bayan ng Cabagan, isang first class na munisipalidad na matatagpuan sa lalawigan ng Isabela.
Ang munisipalidad ng Cabagan ay sentro ng kalakalan ng mga karatig bayan ng Santa Maria, San Pablo at Santo Tomas bago pa sila nagkaroon ng sariling pamilihang bayan.
Ayon kay Gng. Albano-Fernandez, ang recipe ng Pancit Cabagan ay nagmula pa sa kanilang ninuno na si Sia Liang na nagmula sa Fujian, China na siya ring nagtatag ng New Life Restaurant noong dekada 40, na naging popular sa buong lalawigan ng Isabela.
Natutuhan ni Gng. Albano-Fernandez ang paggawa ng Pancit Cabagan mula sa kanyang lola at sinigurado nila na hindi maglalaho ang recipe at ito ay itinuro sa kanilang mga kawani.
Isa na rito ay ang kanilang dating tsuper na si Mang Simon Malsi. Makaraang magretiro si Mang Simon sa kanyang paninilbihan sa mga Albano, itinayo niya noong 2007 ang Wok with Mon Special Pancit Cabagan sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Maaari mong matikman ang masarap na Pancit Cabagan sa Wok with Mon, 557 Kadiwa st., Purok 5, Area F, Sapang Palay, San Jose Del Monte, Bulacan.
Ayon kay Mang Simon, ang pancit na ginagamit sa kanyang Pancit Cabagan ay sarili niyang gawa. Ito ay naaayon sa tradisyonal na recipe mula pa sa mga ninuno ng mga Albano na hinulma muna saka pinatuyo upang humaba ang shelf-life nito.
Ang mga sangkap na kanyang ginagamit mula sa miki hanggang sa patis at toyo ay nagmula pa sa Isabela. Espesyal ang kanilang toyo dahil bukod sa ito ay maalat-alat, ito ay may taglay ng konting asim at tamis.
Nirerekomenda ni Mang Simon ang toyong tatak “More” na mabibili lamang sa Isabela, dahil mag-iiba ang lasa nito kung hindi ito ang gagamitin, gayun din ang patis.
“Simple lang naman ang paggawa ng Pancit Cabagan,” ika ni Mang Simon. “Nasa tamang pagtimpla lang ng mga sahog ang sikreto nito.”
Sa katamtamang init na mantika, igisa ang bawang. Huwag pabayaang masunog. Ilagay ang hiniwang karne ng baboy at timplahan ng paminta saka lutuin ito hanggang maging ginintuang kayumanggi ang kulay nito.
Idagdag ang toyo at patis, pabayaang pakuluan ito ng mga limang minuto. Ihalo ang sabaw at muling pakuluin. Ihulog ang tuyong miki at lutuin ng limang minuto.
Mapapansin mo ang paglapot ng sabaw habang niluluto ang pancit. Haluin nang bahagya. Habang lumalambot ang miki, sinisipsip nito ang sabaw at pati ang lasa nito.
Idagdag ang mga gulay tulad ng repolyo, carrot, at bell peper at muling timplahan ng patis at paminta hanggang tumama na ang lasa.Ihain na may kasamang tinadtad na sibuyas, murang sibuyas, pinakuluang itlog, at lechon kawali.
Ngunit ang pinakatampok na sahog na nagbibigay ng kakaibang lasa sa Pancit Cabagan ay ang topping nito igado: karne at atay ng baboy na ginisa sa sibuyas, bawang at paminta at niluto sa toyo.
Tuwing sasapit ang buwan ng Enero, pinagdiriwang ng munisipalidad ng Cabagan ang ang Pancit Cabagan Festival na kilala rin sa tawag na Pansi’ Festival. Isinasabay ito sa kapistahan ng munisipalidad at sa pagkakatatag ng bayan ng Cabagan.
Bahagi ng isang linggong pagdiriwang ay ang paligsahan ng pagkain ng Pancit Cabagan, ang Kalesa, Kutseru, Kabayu (KKK) Festival kung saan tampok ang inter-barangay kalesa painting contest at iba’t ibang palaro at patimpalak.
Ang lahat ng ito ay ginaganap sa Cabagan Square Park kung saan matatagpuan ang Munisipyo at ang Parokya ng San Pablo Apostol. Ipinaliwanag ni Gng. Sol Albano-Fernandez ang kahalagahan ng pagdiriwang.
Unang una, ang pasasalamat ng mga Cabagueños sa nagdaang taon na sila’y ligtas mula sa sakuna at sa kasaganaan nilang natanggap.
Pangalawa, ang pagkilala sa industriya ng pancit na kung saan ito ay nakaukit na sa kamalayan ng bawat Cabagueño na maituturing bahagi na ng kanilang kasaysayan at kultura.
Kung may mungkahi, reaksyon o katanungan, magtext po lamang sa Smart: 0947 693 0231 at sa Globe/TM: 0936 591 6380. Huwag kalimutan isulat ang pangalan at lugar. Salamat po.
Pansit Cabagan
Ingredients
1 clove garlic
3/4 kilo pork
1/2 teaspoon ground pepper
1/2 cup soy sauce
12 cups pork broth
1 kilo miki noodles
1/2 kilo cabbage
1 medium-sized carrot, sliced
2 pieces bell pepper, seeded and sliced
1/4 kilo chopped spring onions
2 pieces sliced onions
12 pieces boiled quail eggs
1/4 kilo lechon kawali, chopped
1/4 kilo igado
Procedure
1. Sauté garlic, then add pork and ground pepper. Cook until the meat turns brown.
2. Add soy sauce and patis, simmer for a few minutes.
3. Add pork broth and bring to a boil.
4. Add the miki noodles and simmer for 5 minutes.
5. Add the cabbage, carrot, and bell peper. Season to taste.
6. Serve and garnish with spring onions, onions, boiled eggs, lechon kawali, and igado.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.