SA kabila nang ipinapatupad na temporary restraining order (TRO) ng Korte Suprema laban sa malakihang pagtaas na nais ipatupad ng Manila Electric Company (Meralco), tahasan itong nilabag ng power utility matapos nitong ilagay sa pinakahuling bill ng mga kostumer nito.
Makikita sa bill ang dalawang kabuuang dapat bayaran ng mga kostumer, ang “amount due” at total amount due.”
Umani naman ito ng kalituhan at pag-alma sa publiko, dahilan para ipatawag ng DTI ang Energy Regulatory Commission (ERC) at Meralco.
Kung hindi pa umalma ang publiko, walang balak ang Meralco na magpaliwanag. At sa kanilang paliwanag ginawa lang nila ito para daw sila maging transparent sa kanilang kostumer.
Hindi ba’t isang malaking palusot ito ng Meralco? Marami nang nakapagbayad na mga kostumer base sa nakasulat na total amount due — na ang ibig sabihin binayaran pati yung pagtaas na dapat ay naka-TRO. Kung wala talagang intensyon ang Meralco na lituhin ang mga kostumer nito, hindi ba dapat ay inihayag muna nila ang kanilang balakin bago nito ipinatupad ang bagong sistema sa billing statement.
Inatasan na ng ERC ang Meralco na magpaliwanag sa naging aksyon nito at ayon sa Palasyo, hihintayin na lamang nito ang resulta ng magiging eksplanasyon ng power utility kung may nalabag ba ito sa naging aksyon.
Pero may aasahan ba naman tayong aksyon sa ERC? Kung pagbabasehan kasi ang mga nakaraang aksyon nito patungkol sa Meralco, ni minsan yata ay hindi nito nakanti ang Meralco. Anong pagdidisiplina kaya ang gagawin ng ERC sa Meralco lalo na’t halatang nilabag ng powe utility ang TRO ng Korte Suprema.
Wala pang tatlong buwan matapos ang pag-atake ng mga pinaghihinalaang “martilyo gang” sa SM North Edsa noong Disyembre, umatake na naman sa Farmer’s Plaza ang mga kawatan kung saan nilimas ang mga laman ng isang jewelry store.
Sa nangyayaring krimen sa Metro Manila, hindi ba’t dapat ito ang pinagtutuunan ng pansin ni DILG Secretary Mar Roxas?
Kung bakit kasi kung anu-anong pinagkakaabalahan nitong si Roxas. Unahin kaya muna niyang asikasuhin ang problema ng kanyang ahensiya bago pakialaman ang ibang ahensiya.
Ilang beses na bang minamaliit ng Philippine National Police (PNP) ang lumalalang kriminalidad sa bansa?
Sa ginagawang sunod-sunod na pag-atake sa mga mall, hindi ba’t nangangahulugan lamang ito na wala nang takot sa PNP ang mga grupong sangkot sa krimen?
Ilan pa bang mall ang susunod na tatargetin bago kumilos si Roxas at PNP para matigil na ang naturang kriminalidad?
May tanong o komento ba kayo sa artikulong ito? I-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.