WALANG dangal ang Ayer sa labas ng Philippine Military Academy. Ang kanilang kawalan ng dangal ay mas nabunyag nang mapatalsik si Ferdinand Marcos. Nang lumayas si Marcos, napatay ng grupo nina Alfredo Lim, Reynaldo Jaylo at Robert Barbers ang koronel na Ayer sa Magallanes parking lot nang kumasa ito. Nasamsam sa kanya ang bag-bag na heroin. Pinuri ng US Drug Enforcement Agency ang grupo ng mga pulis. Noong martial law, ang Pinas ay hinihinalang transshipment country ng heroin pa-US. Kamakailan, nagpiyansa ang Ayer na nahuli sa aktong nagwi-withdraw ng pera gamit ang mga cloned ATM cards sa bangko sa Makati. Talastasin din ang mga naging PNP chief. Napakarami ang may demandang katiwalian. Mga Ayer ang mga iyan.
Natunugan ni Southern Police District director Chief Supt. Jose Erwin Villacorte ang “lakad” ng anim na pulis na umano’y tumanggi sa P1 milyon suhol mula sa nahuling Intsik na may bitbit daw na sachet ng shabu. Nagtaka si Villacorte dahil hindi kinasuhan ng direct bribery ng mga pulis ang Intsik. Huwag na nating banggitin ang mga pangalan nila. Sana’y magbalik-loob na sila sa tamang gawi at huwag gayahin ang mga Ayer.
Mabigat na ang trapik sa Metro Manila. Ayon sa arkitekong si Jun Palafox, may 18 uri ng urban transportation, base sa isinulat ng transport at infrastructure planning expert na si Sigurd Grava. Ang mga ito ay paglalakad, bisikleta, motor, scooter, kotse, paratransit, taxi, bus, bus rapid transit, trolleybuses, street cars at light rail transit, monorails, heavy rail transit (metro), commuter rail, automated guideway transit, waterborne modes, special modes, at intermodal terminals. Para sa mahihirap, ang unang apat na uri lang ang puwede, lalo na sa Makati.
Wala na bang matino sa konseho ng Quezon City? Pagkatapos ng bahay-bahay na paniningil sa basura, na pinigilan ng mataas na hukuman, gagawin naman nilang traffic enforcer ang mga barangay tanod. Bukod diyan, binigyan pa ang mga tanod ng kapangyarihan na kumpiskahin ang lisensiya ng mga driver na paparahin nila. Magsusulat din ng ordinance violation receipts ang mga tanod. Dadagdagan na pala ang mga kotongero sa kalye.
Sa Caloocan, malaki ang problema sa barangay dahil maraming hinirang na purok leader at tanod ang mga dating bata ni Enrico Echiverri. Hayun, namamayagpag ang katiwalian at kayabangan. Kaya, sinimulan na ni Mayor Oscar Malapitan ang pagsibak sa mga bugok. Kung paano napalusutan si Malapitan ay diyan magaling ang mga bugok.
Huwag naman ninyong tawagin na “Boy Huli” si Manila Vice Mayor Isko Moreno, porke’t nahuli kayo habang nagmamaneho. Baka sa bansag ninyo maging bagay na sa kanya ‘yan, sige kayo.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Salamat Bandera dahil nang ilathala ninyo ang aking sumbong base sa hinaing ng taumbayan, umaksyon ang marangal na Mayor Rody Duterte ng Davao City. Mabuhay ka mayor sa pagpapalayas mo sa mga kotong cops ng HPG. Sana naman, Mayor Oscar Moreno ng Cagayan, tularan mo si Duterte. Palayasin mo rin ang mga kotongerong LTO at HPG. …8288
Sino ba talaga ang nanalo sa Calbiga, Western Samar? Bakit pera ang hangad ng Comelec para siya manalo sa bayang ito? Mula Region 1 hanggang Region 13, may political dynasty. Kaya ang dami ng anomalya sa gobyerno. …5733 Ako po si Salome Gonzales, ng Ormoc City. Hanggang ngayon ay totally damaged pa rin ang bahay ko at walang rehab dito.
Dapat magpalaki at magpahubog si Pacman ng upper body at kailangang, sakto pa rin siya sa 147. …8940
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.