MINNEAPOLIS — Kumulekta ng 42 puntos at 16 rebounds si Kevin Love at nagbigay naman ng career-high 17 assists si Ricky Rubio para pangunahan ang Minnesota Timberwolves sa 104-91 panalo kontra Indiana Pacers kahapon sa NBA.
Nagdagdag naman ng 12 puntos si J.J. Barea mula sa bench para tuluyang magapi ng kulang sa taong Timberwolves ang top team ng Eastern Conference.
Hindi nakapaglaro dahil sa injury ang mga starters na sina Kevin Martin at Nikola Pekovic.
Ang Indiana naman ay humugot ng 35 puntos mula kay Paul George ngunit nalimita siya ng Minnesota sa dalawang puntos lamang sa ikaapat na yugto.
Ito ang ikawalong sunod na laro ni Love na may 25 puntos at 10 rebounds. Sa kabuuan, si Love ay may 14 na laro kung saan gumawa siya ng 30 puntos at kumuha ng 10 rebounds.
Spurs 111, Blazers 109
Sa Portland, tumira ng 29 puntos si Patty Mills mula sa bench at ibinuslo naman ni Marco Belinelli ang go-ahead 3-pointer may 1:34 na lang ang nalalabi para malusutan ng San Antonio ang Portland.
Pumutok si Mills sa second half kung saan nagliyab siya ng 24 puntos.
Hindi nakapaglaro sina Tim Duncan, Kawhi Leonard at Tony Parker para sa Spurs habang wala naman para sa Blazers ang All-Star forward na si LaMarcus Aldridge.
Tinapos ni Belinelli ang laro na may 20 puntos habang nagdagdag naman ng 16 si Manu Ginobili para sa San Antonio.
Nanguna para sa Portland si Damian Lillard na may 31 puntos sa laro.
Rockets 134, Lakers 108
Sa Los Angeles, pinangunahan ni Dwight Howard sa panalo ang Houston Rockets laban sa dati niyang koponan.
Tinapos ni Howard ang laro na may 20 puntos at 13 rebounds habang si James Harden ay may 29 puntos at 11 assists para sa Rockets na mayroon nang eight-game winning streak.
Naglaro ng isang season si Howard sa Los Angeles noong isang taon pero lumipat ito sa Houston bilang free agent bago nag-umpisa ang kasalukuyang season.
Si Wesley Johnson ay may 24 puntos at si Kendall Marshall ay may 20 puntos para sa Los Angeles.
Hindi naglaro kahapon para sa Lakers sina Pau Gasol, Kobe Bryant, Steve Nash, Nick Young, Xavier Henry at Steve Blake.
Ang point guard na si Blake ay ipinamigay ng Lakers sa Golden State Warriors kapalit nina Kent Bazemore at MarShon Brooks.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.