Garcia: Hindi humingi ng tulong ang PSU sa PSC
HINDI nakapagbigay ng financial assistance ang Philippine Sports Commission sa kaisa-isang pambato ng bansa sa 2014 Winter Olympics na si ice skater Michael Christian Martinez dahil hindi kailanman humingi ng tulong sa PSC ang manlalaro o ang Philippine Skating Union.
Ito ang sinabi ni PSC chairman Ricardo Garcia na noong Lunes ay kababalik lamang ng Pilipinas matapos dumalo sa opening ceremony ng Winter Games sa Sochi, Russia.
Ang pahayag ay bilang tugon sa pahayag ng ina ni Martinez na si Maria Teresa Martinez na kinailangan nilang isanla ang kanilang bahay para maipadala ang anak sa Sochi.
Idinagdag pa ni Garcia na nagkausap sila ni PSU chairman Hans Sy at mismong si Sy ang nagkumpirma na hindi niya inaatasan ang pangulo ng PSU na si Pocholo Veguillas na lumapit sa PSC para humingi ng pera dahil aniya, siya ang sasagot sa lahat ng pangangailangan ni Martinez sa Sochi.
“Ang ice skating ay hindi nagbibigay ng budget proposal sa PSC. Nagkausap na rin kami ni Hans Sy mga three weeks ago at siya ang nagsabi na sagot niya ang lahat ng pangangailangan,” wika ni Garcia.
Hindi man humingi ng pera ang NSA ay nagpalabas pa rin ang PSC ng pondo noong Disyembre 20 na nagkakahalaga ng P314,013.60 ($7,200.00) na hiningi ng Philippine Olympic Committee para itulong kay Martinez.
Sa panig naman ng POC at ng PSU, nagbigay naman sila ng suporta kay Martinez. Nabahala ang Presidential Management Staff sa balitang hindi sinuportahan ng PSC si Martinez kaya nakipag-ugnayan agad ito sa PSC.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.