Rannie Raymundo, Renz Verano naaawa sa mga baguhang singer
BUMUO ng grupo ang singers na sina Chad Borja, Renz Verano, Richard Reynoso at Rannie Raymundo – ito’y tinawag nilang OPM Hitmen.
Pawang mga hit song ng Filipino singers ang kanilang kinakanta tulad sa nakaraang presscon nila para sa upcoming concert nilang “An Evening With The Hitmen” sa Music Museum sa Peb. 3 mula sa J O Entertainment Productions.
Sobrang naaliw kami sa grupo dahil ang gaganda pa rin ng kanilang mga boses at posibleng maraming girls pa rin ang magkakagusto sa kanila tulad ni Chad na nanunukso pa ring kumanta, samantalang seryoso naman sina Rannie, Renz at Richard.
Ipinarinig ng apat ang hit songs ng APO Hiking Society sa nasabing presscon at talagang mapapaindak ka pa rin sa tinig nila, bossing Ervin, sayang nga at wala ka.
Anyway, naabot nina Chad, Richard, Renz at Rannie ang tagumpay noong dekada 80 at halos lahat ng girls ay nababaliw sa kanila noon na katulad din ng mga nangyayari ngayon sa baguhang male singers.
Kaya lang may napansin si Renz sa mga baguhang singer ngayon, parang hindi na raw marunong bumati ang mga ito sa mga datihang singer tulad nila.
Ang maganda namang paliwanag ng OPM Hitmen ay, “Kami kasi dati kapag nakasama namin sa isang show o probinsiya ang mga sikat na singer noon like Rico J. Puno at iba pa, talagang nagbibigay galang kami, kami ang unang bumabati, nakikipag-kamay, nakikipagkuwentuhan kasi heto (lampas tao) ang level nila, kami dito lang (dibdib), so we really looked up to them.
And aminin natin, they’re really good hanggang ngayon, kita mo naman, di ba?” Oo nga naman, pansin din namin na may ibang singers na nakakatatlong kantang hits palang sa album nila ay nalulunod na sa isang basong tubig at ang aangas na kung kumilos at magsalita.
Ayon naman kay Rannie ay may mga naranasan din siya na katulad ng binanggit namin, “For some people siguro is disrespect. Para sa akin, daanan mo ako, I don’t have a problem with that kasi hindi kasi ako…ako feeling din, e.
Kung ayaw nila (baguhang singers) huwag.” Ayaw banggitin ng nagpasikat ng awiting “Why Can’t It Be” kung sinong singers ang may mga kakaibang ugali, “I will not name names and I will not even name any network.
“It’s easy, you just go backstage, noong panahon namin, maaninagan mo palang naroon si Rico (Puno), even Randy Santiago, batiin mo lang, ‘Kumusta?’ Hindi mo naman kailangang magkakilala kayo (ng personal) para magbatian kasi kilala mo ‘yun kasi napapanood mo siya,” paliwanag ni Rannie.
Baka naman kasi nahihiya ‘yung mga baguhang singer ngayon na bumati sa mga senior singer? “Well, nahihiya man, pero alam ko pa rin ‘yung nahihiya o hindi, I have a gift, I can read people, alam ko ‘yung nahihiya at alam ko rin ‘yung ‘feeling’ (sikat), e, mas marami ‘yung ‘feeling’.
“I think also, it’s the handlers, huwag nating masyadong isisi sa mga bata. Mas nauna pang lumalaki ang ulo ng mga handler, di ba? E, kawawa naman ‘yung mga bata.
“Nu’ng araw namin, hindi pupuwede ‘yun, I think we are the last of the Mohicans, in our batch,” kuwento ni Rannie.
At kapag ganu’n na raw ang nararamdaman ni Rannie, “Naaawa ako sa kanila kasi gusto kong sabihin na, ‘Hija, hijo hindi kayo tatagal n’yan.
Kakaawa naman kayo, subukan ninyo ‘yung paraan namin, tatagal kayo,” payo nito sa mga baguhan. Maraming beses na raw nakaranas ng mga ganitong eksena si Rannie sa mga show na nakakasama niya ang mga baguhan, “Pag ganu’n, ako na ang unang bumabati, sasabihin ko talaga sa kanila, ‘Hello!’”
Mga solo artist ang ikinukuwento ni Rannie at may mga banda rin daw siyang na-encounter, “Sa band scene naman nu’ng araw, panahon ng Cosmo (lounge), Strumm’s, pagdating mo doon, ang kadalasang ka back to back mo, either Side A, DV8, Vanna-Vanna, magkakakilala lahat ‘yan, at batian talaga at magkakainan kami sa Rufus (famoust tapa Restaurant).
“Ngayon, ‘yung mga bagong banda ngayon, pataasan at pakiramdaman. Gusto kong sabihin, ‘pasalamat kayo at tumutugtog tayo,’” napangiting sabi ni Rannie.
At nasambit nalang ni Rannie, “Mabuti na lang at napalaki ako ng mabuti ng magulang ko, kasi anuman ang puri sa ‘yo, para sa magulang ‘yun.
“Hindi naman nakaka-frustrate kasi hindi naman ako ‘yun, ang akin lang, sana alam n’yo ang tama para mas tatagal kayo. Everything is temporary, kahit nga ‘yung pinakamagandang katawan ngayon, after five years, iiba na ang itsura mo, lalo na ‘yung pagkatapos nila ng gig, diretso sa inuman.
“The last time I drunk was 15 years ago, I was the only bar owner who doesn’t drink, hindi ko sinasabing masama ang uminom, pero dapat alam nila na temporary (kasikatan) lang ito na dapat nilang ingatan, para tumagal din sila sa business,” paliwanag mabuti.
Samantala, may planong mag-record ulit ang grupong OPM Hitmen at sila na rin ang magpo-produce na ayon kay Rannie ay may isang libo at limang daang kanta siyang nakahanda na matagal na niyang nakompows.
( Photo credit to Google )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.