HABANG ang taumbayan ay nag-aabang ng hakbang ng Malacanang para maibsan ang kahirapan dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, nagising na lamang sila na ang maliit na lata ng sardinas ay P14-P15 na.
Ayon sa kuwenta ng mismong pamahalaan ng Ikalawang Aquino, ang presyo ng sardinas ay lumundag ng 40%, na ang ibig sabihin ay P10 lang ito rati.
Ano ba ang ginawa ng Malacanang ilang araw bago biglang tumaas ang presyo ng lata ng sardinas? Wala lang; awayin si Renato Corona, purihin ang pabor na survey ng SWS (na naman), at ang de-kahong utos na hulihin ang pumatay sa paring si Fausto Tentorio, pero bulag sila sa mga masaker, pamamaslang ng ama sa pamilya, pamamaslang ng anak sa ina, pag-ambus sa mga estudyante pa lamang, atbp., gayung a crime czar ay nasa Palasyo mismo, si Paquito Ochoa.
Ang sardinas ay pagkaing mahirap at pagkaing sundalo na nasa kabukiran at kaparangan at nakikipagbakbakan sa kalaban kahit salat sa budget.
Bahagi ng kakarampot na kita ng mahihirap ay napupunta sa delatang mga pagkain, at ang pinakamura ay ang sardinas (paminsan-minsan ay karne norteng delata na tatlong kutsara lang ang laman pero kapag iginisa’t sinabawan ay kakain na ang pamilya).
Malaking eskandalo at kahihiyan kung bakit di kayang pigilin ng Ikalawang Aquino ang pagtaas ng presyo ng pagkaing mahirap; at sundalo.
P500 multa, pahirap
SIMULA sa Lunes ay pagmumultahin na ng Metropolitan Manila Development Authority ang mga nagmamaneho ng motorsiklo sa Commonwealth ave., (Quezon City) at Diosdado Macapagal blvd., (Pasay-Paranaque).
Ang mga nagmomotorsiklo ay arawang obrero at minimum wage lang ang suweldo. Hindi sila sumusuweldo ng P500 araw-araw. Ang P500 multa ay mas malaking di hamak sa kanilang arawang kita.
Kapag minultahan, wala na silang maiuuwi sa kanilang pamilya, di na sila kakain (ang pamilya at ang padre de pamilya), wala na ring maibibili ng gasolina at mag-aabono o mangungutang pa sila para mabayaran ang P500.
Napakalupit talaga ng gobyernong ito sa mahihirap. Inaapi na nga sila sa kalye (ang northbound lane sa Commonwealth ay tumbok sa hagdan ng footbridge, kaya’t sasalpok dito ang motor; at di na rin sila pinagagamit ng flyover), pagmumultahin pa ng mas malaki pa sa kanilang arawang kita.
May hangganan ang kalupitan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.