HINDI sinayang ng Pinoy wushu artist na ni Daniel Parantac ang kalamangang hinawakan matapos ang unang event na taijiquan nang pangunahan pa ang taijijian event para ibigay sa Pilipinas ang pangatlong ginto sa 27th Southeast Asian Games sa Myanmar.
Ang 23-anyos na tubong Baguio City ay nakakuha ng 9.68 puntos sa taijijian kahit hindi maganda ang landing nito sa compulsory jump. Nagtala naman siya ng 9.70 puntos sa taijiquan para tumapos na may 19.38 puntos si Parantac tungo sa gintong medalya.
Ang lahok ng host Myanmar na si Nyein Chan Ko Ko ang pumangalawa sa nakuhang 19.33 puntos (9.68 at 9.65).
Ito ang unang ginto ni Parantac na lumaban din sa SEA Games noong 2007.
“Lamang na po ako noon (2007) pero nagkaroon ako ng knee injury para hindi makapag-perform ng maganda sa taijijan,” wika ni Parantac na may dalawang medalya na sa Myanmar.
Ang una niyang medalya ay pilak kasama si John Keithley Chan sa men’s duilian. Ang dalawa pang gintong medalya ng Pilipinas sa wushu ay galing sa mga sanda artists na sina Jessie Aligaga at Denbert Arcita sa 48-kg at 52-kg divisions.
Isa pang bronze medal ang ibinigay nina Natasha Enriquez at Kariza Kris Chan sa women’s duilian. Sa kabuuan, ang lahok ng Wushu Federation of the Philippines (WFP) ay tumapos bitbit ang tatlong ginto, tatlong pilak at dalawang bronze medals.
Mas mahigit ito sa nakuha ng WFP noong 2011 kung saan humakot lamang ito ng dalawang ginto, apat na pilak at tatlong bronze medals.
Samantala, isa pang bronze medal ang naihatid ni Hermie Macaranas sa men’s C1 1000-m sa canoe event. Sa women’s basketball, nadiskaril ang hanap na ginto ng Philippine team nang durugin sila ng nagdedepensang kampeon Thailand, 75-36.
Ang mangunguna sa pagtatapos ng single-round robin tournament ang hihiranging kampeon sa women’s basketball at kailangang walisin ng Perlas ang nalalabing dalawang laro at ipanalangin na matalo ang Thailand sa dalawa sa nalalabi nitong tatlong laban upang maagaw ang gintong medalya.
Wala namang kahirap-hirap ang men’s basketball team sa pagkuha ng ikalawang sunod na panalo nang ilampaso nito ang Cambodia kahapon, 107-55.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.