Pagtanggap, susi ng pagbangon
NATALAKAY natin nitong Miyerkules ang tungkol sa sakuna na nagreresulta sa shock at trauma. Pero alam ba ninyo na hindi rito dapat magtapos ang sakuna?
Ang pagtanggap sa realidad ang siyang susi ng pag-usad tungo sa ikabubuti ng kalagayan lalo na ng kaisipan. Sa gitna nito ay ang koneksyon ng tao sa Diyos; kapag mataas ang antas ng espiritwalidad, malakas ang paniniwala at pagtitiwala sa Diyos ay mas mabilis na nakakapag-adjust ang tao sa bagong uri ng pamumuhay. Napaka-importante ng katotohanang ito dahil dito nagmumula ang paggaling ng karamdaman, pisikal man lalo na sa pang-kaisipan.
Pagkatapos ng sakuna, walang ibang patutunguhan kundi ang pagbangon. Ang problema lang ay kung walang sapat na kakayahan na bumangon dahil nga sa naubos ang ipon at lahat ng material na pag-aari. Dito maapektuhan ang kalusugang pangkatawan.
Dahil sa kakulangan ng “basic needs” gaya ng tubig, pagkain, pahinga, masisilungan at kalinisan, maaaring madaling dumapo ang mga sakit lalo na sa mga bata at matatanda.
Madalas na magkaroon ng sipon, ubo, impeksyon sa baga (pneumonia), bituka (gastroenteritis), bato (UTI at kidney failure dahil sa dehydration). Madalas kasabay ng panic attacks ay may alta presyon din.
Mapapansin din ang dami ng taong nasugatan at maraming namatay dahil lang sa tetano, na maaring maiwasan kung nakita kaagad at naibigay ang bakuna at gamot.
Ang kakulangan sa nutrisyon ay magdudulot ng mas maraming sakit dahil sa paghina ng resistensya.
Sa pagkakataon na ito, mas agresibong pananaw ang kinakailangan. Maliban sa pag-gamot ng karamdaman, tutuunan din ng pansin ang pag-iwas sa mga panibagong sakit. Siguraduhin na ang tubig na iniinom ay malinis at purified, ang pagkain ay naluto o nainit man lang.
Ang pinakamabigat na epekto ng “dislocation” ay ang sa kalusugang pang-kaisipan. Panatilihin ang ating pananalig sa ating Poong Maykapal!
Ngayon ay tunghayan naman natin ang mga tanong ng ating mga readers na atin namang sasagutin.
Ano po ang gamot sa baradong ilong? — Uly Mangente, Tondo, Manila, …7098
Madalas ang pagbara ng ilong ay dahil sa allergic rhinitis, ang pamamaga ng “mucosa” pagkatapos na ma-expose ito sa mga allergens gaya ng alikabok o ano pa mang dumi. Ang ilong ay mayroong mga buhok para ma-filter ang dumi na kasama sa hangin na pumapasok sa paghinga, subali’t mayroon pa rin nakakapasok. Ang unang response ay ang pagbahing, na ang ibig sabihin ay hindi gusto ng ilong ang dumi o amoy ng kemikal na dumadampi rito. Magkakaroon ngayon ng congestion tapos may sipon na.
Maari kang uminom ng decongestant gaya ng Sinutab, Neozep etc. at pwede ka din mag-spray ng Drixine o Nasonex.
Good afternoon, Doc. Si Lida po ako ng Iloilo. Ask ko lang kung bakit lumalamig ang mga kamay ng anak ko tuwing hapon. Ano po kaya ang dahilan nito? – …3557
Maraming dahilan ang paglamig ng kamay, ngunit gusto kong malaman kung may lagnat ba siya? May masakit? Anong edad at ano pa ang ibang karamdaman na kasama sa paglamig ng kamay? Mag-text po kayong muli.
Dok, ano po gamot para sa balat na kumakati. Sobrang kati po at pabalik-balik dito sa paa ko. Ako po ito si Cheryl ng Acacia, Buhangin, Davao City, …6176
Maaring may impeksyon na ang paa mo. Malamang fungal infection ‘yan. Iwasan na laging basa ang mga paa, linisin ito nang madalas, pahiran ng antifungal ointment na may steroid para sa kati. Kailangan ang matagal na gamutan. Aabot iyan ng ng three to four weeks.
Meron ba kayong nais isangguni kay Dr. Heal? I-text HEAL ang inyong pangalan, edad, lugar, at mensahe sa 09999858606.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.