Mar naetsapwera sa appointment ni Ping
MASIGASIG ngayon ang mga traffic enforcer. Yung mga violation na hindi nila pinapansin dati, nakikita na nila ngayon.
Sa Quezon City, masipag na sa paghahatak ang mga tow truck ng mga sasakyan na iningunguso ng mga traffic enforcer.
Isa sa mga sasakyang ipinahatak ay nakaparada sa tapat ng Commonwealth market. Wala raw sa tamang paradahan kaya hinila.
Nagbayad ng P1,500 ang may-ari ng sasakyan para mabawi niya ito at hindi na madala sa impounding area sa Pasig City.
Pero nang humingi ng resibo ang may-ari ng sasakyan, walang ibinigay sa kanya. Wala raw silang dalang resibo.
Ha? Tumatanggap ng bayad pero walang ibinibigay na resibo?
At mukhang sinadyang maling pangalan at cellphone number din ang ibinigay ng tauhan ng towing company sa driver nang kunin niya ito.
Kung abala ang Bureau of Internal Revenue sa paghabol kay Sarangani Rep. Manny Pacquiao, baka pwede rin nilang
bigyan ng pansin ang mga accredited towing company ng Metropolitan Manila Development Authority.
Pihadong maraming mabibiktima ang mga tiwaling tauhan ng towing company na ayaw magbigay ng resibo ngayong magpapasko.
Mukhang may punto si dating AGHAM Rep. Angelo Palmones na kailangang magtanin ng mangrove upang maproteksyunan ang mga residente na malapit sa dagat.
Ngayong alam na natin kung ano ang storm surge, siguro ay tama na mag-invest na ang gobyerno sa pagtatanim ng mga mangrove.
Baka pwedeng i-divert ng Department of Environment and Natural Resources ang bahagi ng pondo nila sa pagtatanim ng puno sa mga puno na pangdagat.
Kamakailan ay mayroong istorya na isang komunidad ang nakaligtas sa storm surge dahil sa mga mangrove.
Totoo ba itong nabalitaan ko?
Kaya daw natagalan ang pag-alis ng relief goods patungo sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda dahil sa Commission on Audit.
Parang gusto yata ng COA ay mag-pre audit muna para malaman kung sino ang tatanggap ng mga relief goods.
Kung totoo ito, sana mahiya naman ang COA.
Huling minuto na lamang umano nang isiningit ang pangalan ni resigned Custom commissioner Ruffy Biazon sa listahan ng sinampahan ng reklamo ng Department of Justice sa Ombudsman.
Isang araw bago ang paghahain ng reklamo, sinabi ng tatay ni Biazon na si Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon, na hindi kasama ang kanyang anak.
Pero mukhang may milagro daw na nangyari at kinabukasan ay kasama na si commissioner.
Ang tingin tuloy ng ilan, kumilos ang mga nais na matanggal si Biazon sa Customs. Yung mga tao na target ang kanyang posisyon.
Para sigurong binuhusan ng malamig na tubig yung ‘First Responders’ sa Bagyong Yolanda nang marinig nila ang appointment ni dating Sen. Panfilo Lacson.
Biruin mo, sila ang binagyo sa lugar tapos isang outsider (na naman) ang itinalaga para pamunuan sila.
Parang na-etsapuwera tuloy si DILG Sec. Mar Roxas, DSWD Sec. Dinky Soliman at Defense Sec. Volt Gazmin.
Para sa komento, reaksyon o tanong, i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.