(Huli sa serye)
BAGAMAT suportado ng Department of Social Welfare and Development ang panukalang batas na naglalayong isakrimen ang pagpaparusa sa mga bata, hindi naman lahat ng magulang ay pabor dito.
Sa ginawang pag-uusisa ng Bandera sa ilang mga magulang, may kanya-kanyang dahilan ang mga ito kung bakit sila payag o tutol sa isinusulong na House Bill 4455 o ang Positive and Nonviolent Discipline of Children Act at ng Senate Bill 873 o ang Anti-Corporal Punishment Act of 2010.
“Spare the rod, spoil the child,” ay isang kasabihan na hango mismo sa Bibliya na siyang pinanghahawakan ng 36-anyos na si Tina Pascual, may apat na anak.
Anya, hindi siya naniniwala na hindi dapat paluin ang mga anak sa sandaling nakagawa ito ng kasalanan. Ngunit hindi rin anya sa lahat ng pagkakataon ay dapat mong paluin ang iyong anak.
“Sa tingin ko depende iyon sa kasalanan ng bata. Kung makukuha naman iyon sa pangangaral ay mas mabuti pero kung grabe dapat na siyang paluin. Pero ang palong nasa lugar at hindi kung saan-saang bahagi ng kanyang katawan,” paliwanag ni Pascual.
Ganito rin ang katwiran ni Marivic Escote, ng Sta. Mesa. Anya lalong titigas ang ulo ng bata kapag hindi sila papaluin.
“Kung hindi sila papaluin, iisipin nila pwede nilang gawin ang gusto nila. Anong klaseng pagdidisiplina ang gagawin sa bata kung gagawing krimen ang pamamalo?” sabi ni Escote.
Sa isang journalist na tulad ni Lilia Tolentino, 68, ng Quezon City, may karapatan ang isang magulang na mamalo pero dapat anyang gawin ito sa paraang hindi naabuso ang bata.
Naniniwala naman si Tere Arevalo, 49, ng Bacoor, Cavite, ang panukala ang pinakawalang kwentang batas na magagawa kung saka-sakali dahil palalakihin lamang nito ang mga bata na suwail sa mga magulang.
Ayon naman kay Rolando dela Cruz, 52, ng Tondo, Maynila, at may apat na anak, karapatan ng mga magulang na magdisiplina sa mga anak.
“Kahit pinapalo o pinagsasabihan, basta padama lamang ang pagmamahal at pagkalinga sa kanila,” ayon kay dela Cruz.
Naniniwala naman si Evangeline Villena, 48 ng Makati City at may dalawang anak, na iba ang kalagayan ng Pilipinas kung ikukumpara sa ibang bansa.
“Iba ang kultura sa ibang bansa kaya’t maaaring ang batas na umiiral sa kanila tungkol sa pagdidisiplina sa kanilang mga anak ay maaring hindi epektibo sa atin at the other way around,”
Sa isang banyagang ama na si Danie Halley mula sa New Zealand kung saan ipinaiiral ang anti-corporal punishment, nais niyang maibalik ang pamamalo sa mga anak dahil nakikita niyang hindi ito epektibo ang kasalukuyang batas.
“It had taught them to fight back. Some children do not respect their parents anymore because this law has given them a pass to fight back,” ani Halley.
Hindi rin pabor si Imelda Escamillas, 46 ng Sampaloc, Maynila at may isang anak sa panukala sa pagsasabing ang pamamalo ay isang uri ng pagdidisiplina pero dapat ay nasa lugar.
“Kung may nagawa siyang hindi tama, dapat talaga siyang pagalitan o kaya ay paluin. Doon, maipakita mo sa kanya na mahal mo siya at ayaw mo siyang malihis sa masamang landas,’ sabi ni Escamillas
Paniwala naman ni Maria Angelica, 20, sa kanyang Twitter account, na nais niyang maaprubahan ang panukalang ito. “Wish kong maaprubahan ito, kasama ang pamamalo sa apo,” ayon kay Angelica.
Maging si Susan Bautista sa kanyang Twitter account ay nagpahayag na hindi siya tutol sa panukala.
“Dapat lang. Parang ginagawang tradisyon na kasi sa magulang ang mamalo,” ayon kay Bautista.
Sa isang special education teacher naman na si Remie Prescila, may pagdidisiplina sa bata na hindi kakailanganin ang pamamalo.
Anya, marami nang paraan ngayon nang pagdidisiplina na hindi kailangan kurutin, paluin o kahit patayuin sa isang sulok ng mahabang oras ang bata.
Isa anyang disiplina na ipinaiiral sa kanyang dalawang anak ay ang pagdedma sa mga ito.
“Kung nagta-tantrums, hayaan mo siya, i-ignore mo. The more mo siyang pansinin, the more siyang magwawala. Hayaan mo dahil mapapagod din siya kaiiyak at kakamaktol,” ayon sa guro.
(Ed: Isa ka ba sa tutol o payag sa pamamalo sa bata? Nais namin itong malaman. I-text ang inyong opinyon sa 09062469969 o 09295466802)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.