Pacman pinigil ang kamao para di bumagsak si Rios, nanaig ang awa
Muling iginuhit ni Manny Pacquiao ang pangalan ng Pilipinas sa mapa ng buong mundo nang talunin niya ang American-Mexican boxer na si Brandon Rios.
Mula sa dalawang beses na pagkatalo ay heto ngayon si Pacman, buong-buo na naman ang kumpiyansa sa kanyang kapasidad, maghahanda na uli para sa susunod niyang pakikipagsalpukan.
Napakagandang pangsalit ang ganitong tagumpay sa matinding kalamidad na tumama sa Kabisayaan, nakatutuwang makita ang mga taga-Leyte na nagpapalakpakan din kapag nakakasapul ng suntok ang Pambansang Kamao, pansamantala nilang kinalimutan ang kahirapang bumabagabag sa kanilang pamumuhay ngayon nang dahil kay mapamuksang Yolanda.
Tumutok uli ang buong bayan sa laban nina Pacman at Rios nu’ng Linggo nang umaga, matinding suporta ang ibinigay ng ating mga kababayan kay Manny Pacquiao, walang mga sasakyan sa kalye dahil sa pinakamamahal nating si Pacman na nangangailangan ng ating mga panalangin.
Magaling nang boksingero ay makatao pa si Pacman. Marami nang pagkakataon na puwede niyang pabagsakin si Rios pero mas nanaig sa kanya ang awa, tinapos niya ang 12 rounds pero hindi niya pinahalik sa lona ang kanyang katunggali.
Napakahalaga para kay Pacman ng tagumpay na ito para muling ibangon ang kanyang imahe at pangalan sa larangan ng boxing, minamaliit na kasi siya ngayon, laos na raw ang Pambansang Kamao.
Pero minsan pang nagpakita ng gilas ang Pinoy, ano bang napakalaki ni Rios, kinaya ba nitong iwasan ang bilis ng magkabilang paa at kamao ng ating pambatong boksingero?
Maligayang bati sa ating Pambansang Kamao. Sa isang panahon na bidang-bida ang ating bayan sa pangunguwestiyon ng foreign media sa kabagalan nu’ng nakaraang kalamidad ay heto, binawi naman ‘yun ng bilis ng kamao ni Pacman, maraming salamat sa isang Manny Pacquiao!
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.