NAKAUSAP natin sa pamamagitan ng linya ng telepono si Ariel Libre ng San Carlos, Negros Occidental, asawa ng OFW na si Jenny Lynn Madrazo Libre, household service worker sa Riyadh, Saudi Arabia.
Dalawang buwan pa lang doon ay gusto na raw umuwi ni Jenny Lynn.
Nang tanungin natin kung ano ang dahilan, kuwento ni Ariel ang tungkol sa takot ng kaniyang misis sa nagaganap na Saudization policy o crackdown sa mga iligal na dayuhang manggagawa sa nasabing bansa.
Sa wari kasi ni Jenny Lynn, isa siyang undocumented OFW dahil wala itong hawak na anumang dokumento lalo na iqama o work permit.
Nang ipaliwanag natin na hindi apektado ng Saudization ang mga household service workers dahilan sa naglabas na ng impormasyon ang gobyerno ng Saudi na hindi nila iisa-isahin ang mga kabahayan roon upang tugisin ang mga iligal na dayuhang kasambahay, napanatag naman ang kalooban ni Ariel.
Tsaka nito sinabi ang isa pang dahilan kung bakit gusto nang umuwi ni Jenny Lynn. Hindi na umano kaya ng kaniyang maybahay ang pagtatrabaho roon, gumigising ito ng alas-tres ng madaling araw upang simulan ang pagtatrabaho.Masyado raw itong nahihirapan doon.
Muli nating ipinaliwanag kay Ariel na hindi ganoon kadali ang basta pagliban sa pinirmahang kontrata, na kung kailan gustuhin ng OFW na umuwi sa bansa ay makakauwi na lamang ito.
Ang pinirmahang kasunduan ay nagpapahiwatig na nauunawaan ng OFW ang kaniyang mga pananagutan at haharaping mga responsibilidad anupat handang sundin ang mga ito hangga’t may bisa ang kontrata.
Bagong-kasal pa lamang sina Ariel at Jenny Lynn at wala pang anak, ngunit kinailangan lamang talaga noon na mag-abroad ang misis, kaya’t kapwa sila pumayag sa desisyong umalis ang isa sa kanila.
Titiyakin ng inyong Bantay OCW ang naging proseso ng pag-aabroad ni Jenny Lynn sa pamamagitan ng POEA gayundin ipagbibigay-alam natin ang kasalukuyang mga kalagayan ng OFW sa Saudi Arabia, sa tulong naman ng Philippine Overseas Labor Office (POLO-Riyadh).
Taong 2011 pa sinimulan ni Rommel Sarabia, isang seafarer, ang aplikasyon nito para sa Reintegration Program ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Gusto kasi niyang mas palakihin pa ang itinayo nila ng kaniyang maybahay na isang Christian school sa Cavite gamit ang maibibigay na loan ng pamahalaan.
Kumpleto ‘anya sila ng mga dokumento at natapos rin ng kaniyang maybahay ang lahat ng mga training at seminar mula sa DTI at iba pang ahensya. Unang nagtungo si Rommel sa tanggapan ng OWWA pagkatapos ay inindorso ang kanilang aplikasyon sa Landbank.
Subalit denied ang kanilang aplikasyon. ‘Wala namang ganitong programa ang gobyerno’, sagot umano ng taga-Landbank.
Laking-gulat ng mag-asawa nang malaman ito dahil matagal na nilang pinakahihintay ang naturang loan.
Kaagad namang humingi ng tulong si Rommel sa Bantay OCW program upang maging malinaw ang kinahinatnan ng kaniyang aplikasyon.
Ipinagbigay-alam na natin ang reklamong ito sa tanggapan ni Administrator Carmelita Dimzon ng OWWA. Inimbitahan na rin natin ang misis ng ating kabayan na magtungo sa OWWA main office sa Pasay City upang umusad ang kanilang loan application dahil muling sasakay sa barko si Rommel.
Babantayan natin ang kasong ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.