Jackie Chan walang kupas sa edad 70, action star pa rin sa ‘Karate Kid: Legends’

PHOTO: Courtesy of Columbia Pictures
MAGBABALIK big screen ang legendary actor at martial artist na si Jackie Chan!
Sa edad 70, muli niyang patutunayan na buhay na buhay pa rin siya pagdating sa action stunts.
Kamakailan lang, inilabas na ang bagong trailer para sa upcoming film na “Karate Kid: Legends” at diyan ibabandera ang kanyang kahusayan sa action scene.
Si Jackie ang gaganap na Mr. Han at makakasama niya si Ralph Macchio, ang original na Daniel LaRusso.
Baka Bet Mo: Jackie Chan hinimatay habang nagte-taping para sa ‘Panda Plan’, anyare?
Mapapanood sa trailer na may misyon silang tulungan si Li Fong (Ben Wang), isang batang prodigy ng kung fu, na lumipat mula sa China patungong New York City.
Sa pagsubok niyang mag-adjust sa bagong kapaligiran, hindi niya inaasahan na may haharapin siyang mga problema at ito pa pala ang magtutulak sa kanya upang makipaglaban.
Makikita rin sa pasilip na hihingi si Li ng tulong kay Mr. Han, ang kanyang guro sa kung fu dahil papalapit ang isang karate tournament, at diyan din papasok si LaRusso upang turuan naman ang bida ng disiplina ng karate.
Ang bagong pelikula ay nagpapakilala ng isang bagong henerasyon ng mga mandirigma na magpapakita ng matinding aksyon, pagmamahal sa pamilya, at pagkakaisa sa ilalim ng tradisyon ng martial arts.
Kung matatandaan, si Ralph ay unang gumanap bilang si LaRusso noong 1984, habang si Jackie naman ay unang gumanap bilang Mr. Han noong 2010.
Kasama rin sa cast sina Joshua Jackson, Sadie Stanley, at Ming-Na Wen.
Ang “Karate Kid: Legends” ay ipapalabas sa mga sinehan sa Pilipinas sa darating na June 4.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.