Imee Marcos sa pag-aresto kay Duterte: Hindi ito hustisya, ito’y pang-aalipin

Imee Marcos at Rodrigo Duterte
KINUWESTIYON ng Presidential Sister na si Sen. Imee Marcos ang ginawang pag-aresto at pagsuko ng gobyerno kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Ipinagdiinan ng senadora na hindi makatarungan ang nangyari kay Duterte at ang basta na lamang pag-turn over sa dating presidente sa mga taga-ICC na nakakulong ngayon sa The Hague, Netherlands dahil sa mga nagawa umano nitong “crimes against humanity.”
Iginiit ni Sen. Imee sa kanyang manifestation sa Senate hearing ng nangyaring pag-aresto at pagsuko ng Marcos administration kay Duterte sa ICC ngayong araw, March 20, na hindi walang “hustisya” sa mga naging kaganapan at sa halip ay tinawag itong “pang-aalipin” ng mga dayuhan.
Sa naganap na hearing, ipinakita ni Sen. Imee ang ilang video clips mula sa pag-aresto kay Duterte nang makauwi na ito sa Pilipinas mula sa Hong Kong, hanggang sa pagtungo nito sa Netherlands.
“Ito ang napanood ng buong bansa, at ang tanging tanong, bakit natin isinuko ang isang kapwang Pilipino? Kung ang iyong kapatid ay inuusig, ipapasa mo ba sa kamay ng iba?
View this post on Instagram
“Kung ang iyong ama o ‘di kaya ang iyong lolo pa, matanda na, may sakit, kinakakaldkad palabas ng inyong tahanan, manonood ka ba na parang wala lang?” pahayag ng senadora.
“Ganito ang nangyari ngayon. Isinuko natin si Rodrigo Roa Duterte sa dayuhan na para bang wala siyang sariling bayan, na para bang hindi na nating kayang humusga sa sarili nating tahanan.
“Ang hustisyang ipinapataw ng dayuhan ay hindi hustisya. Ito ay pang-aalipin. Ito ay pagkontrol,” tuluy-tuloy na sabi ng senadora.
Aniya pa, “Mga kababayan ko, hindi tayo alipin. Tayo ay Pilipino. At kung Pilipino ka, hindi mo kailanman isusuko ang iyong kapwa Pilipino. Hindi mo isusuko ang iyong pagiging Pilipino.”
Nananatili sa kustodiya ng ICC si Duterte sa The Hague kung saan lilitisin ang kanyang mga kaso kaugnay ng ipinatupad niyang “war on drugs” noong nasa presidente pa siya ng Pilipinas.
Magaganap naman ang confirmation of charges hearing ng dating pangulo sa ICC sa darating na September 23, 2025.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.