Eumir Marcial kinasuhan ng concubinage, VAWC ng asawa: Hustisya!
TULUYAN na ngang kinasuhan ng kanyang asawa ang Olympic boxer Eumir Marcial matapos umanong mahuli na may kinakalantaring ibang babae.
Mga kasong paglabag sa Anti-Violence Against Women and Children o VAWC at concubinage ang isinampang kaso ni Princess Galarpe Marcial sa Pasay Prosecutor’s Office laban kay Eumir.
Ayon kay Princess, noong October, 2024 ay nahuli niyang sa akto na may kasamang ibang babae ang boxer sa isang condominium sa Pasay City na nagngangalang “Jessa”.
Sa ulat ng “Unang Balita” ng GMA ngayong araw, January 13, sinabi ni Princess na hindi na talaga niya kayang tiisin ang ginagawa sa kanya ni Eumir kaya itinuloy na niya ang kaso.
Baka Bet Mo: Rita Daniela kinasuhan ng acts of lasciviousness si Archie Alemania
“Yung pananakit niya na tinatanong n’yo kung ilang beses, hindi ko na po mabilang. Grabe na po ‘yung pambabastos, pagsisinungaling, manipula, lahat po. Deserve ko po ‘yung justice,” rebelasyon ni Princess.
Aniya pa, “Hindi po siya magiging Eumir Marcial ngayon kung hindi kami magkasama at ‘di kami nagtulungan bilang mag-asawa. Kaya nga hanggang ngayon, wala kaming anak, e.”
View this post on Instagram
Mariin naman itinanggi muli ni Eumir ang mga naging akusasyon ng asawa, “Walang nangyayari na pagtataksil, ‘yung babaeng nakita nila sa video ay kaibigan ko ‘yun.
“Pinayl (kinasuhan) niya kami ng concubinage, iaatras niya na kasi alam niya na hindi totoo. Nandoon sa affidavit of desistance niya e, hindi totoo ‘yun e,” paliwanag ni Eumir.
Ayon pa sa Olympic boxer, inatras na raw ang kaso at na-inquest na sila kaya naman namalagi sila nang ilang araw sa police station.
Matatandaang nitong nagdaang January 10, ibinuking ni Princess sa pamamagitan ng Facebook na may ibang babae umano si Eumir at nahuli niya umano ang mga ito sa akto sa isang condominium unit sa Pasay.
Ipinaaresto ni Princess noon si Eumir at ang umano’y other woman nito pero kalaunan ay pinatawad din niya ang asawa pero sa halip na magbago ay minanipula pa raw siya nito.
“Our marriage means a lot to me, because it has divine blessing guided by the knowledge that it is also the foundation of every family. How Eumir disrespected his vows to God and to me by cheating on me and continuously deceiving me had hurt me in unimaginable ways.
“I don’t think I can ever survive the pain, but my hope is that by speaking up, and in a way help other women who may have been suffering in silence, would give me the strength to continue in fighting for what is right in front of God who stood as a witness to our marriage,” sabi pa ni Princess sa kanyang Facebook post.
Sabi pa ni Princess, kinuha umano ni Eumir ang lahat ng kanilang savings sa bangko para sa pagpapagawa ng bahay ng kanyang karelasyon.
Pero mariin nga itong dinenay ng boksingero at sinabing kaibigan lang daw niya ang girl. At sa katunayan, si Princess nga raw ang nananakit at ang may hawak ng kanilang joint accounts at mga titulo ng bahay at iba pang properties.
Si Eumir ay isa sa mga atletang nagbigay karangalan sa bansa matapos itong mag-uwi ng bronze medal noong 2020 Tokyo Olympics.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.