Rufa Mae matapos magpiyansa: ‘Best things in life are free..and to be heard!’
PANSAMANTALANG nakalaya na ang actress-comedienne na si Rufa Mae Quinto matapos matuloy ang pagpiyansa nitong January 9 sa Pasay Regional Trial Court.
Magugunitang pagkauwi na pagkauwi ni Rufa Mae sa Pilipinas mula San Francisco, California ay kusa siyang sumuko sa National Bureau of Investigations (NBI) dahil sa kinasangkutang kaso kaugnay sa investment scam.
Matapos sunduin ng NBI sa airport ay agad na nagtungo ang aktres sa korte upang magpiyansa, ngunit ito ay naudlot dahil nasaraduhan na sila ng tanggapan.
Dahil diyan ay nag-overnight ang aktres sa NBI at kinabukasan ay inasikaso na nila agad ang pagbabayad ng bail na nagkakahalaga ng P1.7 million.
Sa isang ambush interview na ibinandera ng News5 reporter na si Elaine Fulgencio, inihayag ni Rufa Mae ang kanyang pasasalamat matapos makalaya.
“Masaya lang po ako ngayon na nakakausap ko na kayo nang maayos…so natutuwa ako for that kaya maraming,maraming salamat po, pati sa mga nagme-message sa akin, sa managers ko, sa lahat lahat po ng press,” sey niya.
Pag-amin pa ng celebrity mom, “Naiiyak ako kasi ang sarap maging malaya eh, ‘yung marinig lang ikaw.”
“Best things in life are free! And to be heard. Oh ‘diba may hearing, may heard so maganda ‘yun,” biro pa niya.
Aniya pa, “Kumbaga ang sabi ko nga, ako po ay isang komedyante, hindi po ako negosyante. Kaya po kahit kailan, hindi po ako nagne-nego,go, syo! Kaya wala po akong negosyo.”
JUST IN: Comedian-actress Rufa Mae Quinto secures temporary liberty after posting bail at the Pasay Regional Trial Court for charges related to the Securities and Regulation Code. @News5PH pic.twitter.com/wp8kM2lLEh
— Elaine Fulgencio (@eifulgencio) January 9, 2025
Kung matatandaan noong nakaraang buwan, mismong ang talent manager ni Rufa Mae na si Boy Abunda ang nagbalita na inisyuhan din ito ng warrant of arrest tulad ni Neri Miranda dahil sa mga kasong syndicated estafa.
Nauna nang iginiit ng legal counsel ni Rufa Mae na si Atty. Mary Louise Reyes na biktima lang ng “false accusation” ang kanyang kliyente dahil hanggang ngayon ay hindi pa nga raw ito nababayaran bilang endorser.
Maaalalang inaresto at ikinulong din si Neri Naig sa Pasay City Jail noong Disyembre matapos akusahan ng paglabag sa Section 8 ng Republic Act No. 8799 na kilala rin bilang Securities Regulation Code bilang enodrser ng kaparehong skincare company.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.