Vice Ganda patuloy na ‘pinipilahan’: Ako po at ang masa ay may ugnayan
BASE sa unofficial result ng nagaganap ngayong Metro Manila Film Festival 2024 ay nangunguna pa rin sa labanan ang pelikula ni Vice Ganda na “And The Breadwinner Is.”
Wala pang inilalabas na numero ang organizers ng 50th edition ng MMFF na nagsimula last December 25, 2024 at matatapos sa darating na January 7, 2025 kung ano na ang ranking ng 10 official entry.
Pero base sa naglalabasang ulat, number one ang entry ni Vice, sumunod ang “The Kingdom” nina Vic Sotto at Piolo Pascual, ikatlo ang “Espantaho” ni Judy Ann Santos, ikaapat ang “Green Bones” ni Dennis Trillo at panglima ang “Uninvited” nina Aga Muhlach at Vilma Santos.
Nasa ikaanim na pwesto naman daw ang “Topakk” nina Arjo Atayde at Julia Montes, sinusundan ito ng “Strange Frequencies” ni Enrique Gil, ikawalo ang “My Future You” nina Seth Fedelin at Francine Diaz, ikasiyam ang “Isang Himala” ni Aicelle Santos at nasa ika-10 ang “Hold Me Close” nina Carlo Aquino at Julia Barretto.
In fairness, halos lahat ng pelikula ni Vice sa MMFF at tumatabo sa takilya tulad ng “Sisterakas” (2012); “Girl, Boy, Bakla, Tomboy” (2013); “The Amazing Praybeyt Benjamin” (2014); “Beauty and the Bestie” (2015); “Gandarrapiddo: The Revenger Squad” (2017); “Fantastica” (2018); “The Mall, The Merrier” (2019); at “Partners In Crime” (2022).
Ngunit may mga nagtatanong kung bakit pinapanood ng madlang pipol ang mga pelikula ng komedyante, e, wala naman daw mapupulot na aral ang mga tao sa mga ito.
Tulad na nga lang ng “And The Breadwinner Is” idinirek ni Jun Robles Lana mula pa rin sa Star Cinema na ninenega ng ilang manonood at nagsasabing hindi naman kagandahan ang pelikula pero kumikita at humahataw sa takilya.
View this post on Instagram
Kaya naman mismong si Vice na ang sumagot sa tanong kung bakit patuloy na pinanonood ang kanyang mga MMFF entry sa pamamagitan ng isanh pinagdugtung-dugtong na mga video na kuha sa mga pinuntahan niyang sinehan nitong holiday season.
Aniya sa caption, “Maraming nagtatanong kung bakit maraming pumipila sa mga pelikula ko lalo na tuwing Pasko. Ito po ang sagot. Dahil po ako at ang masa ay may ugnayan.
“May relasyon. Nagkakaunawaan kami. Nagmamahalan. Iisa ang lenggwahe namin. Iisa ang pulso. Nagkakaintindihan.
“Kaya’t di namin iniiwan ang isa’t isa anuman ang mangyari.
“Yan ang karangalan na patuloy kong tinatanggap mula sa kanila noon pa man hanggang ngayon. Karangalang di lang pang isang gabi. Pangmatagalan,” pahayag pa ni Vice.
Sey pa ng Phenomenal Box-office Star, maraming naka-relate sa “And The Breadwinner Is” dahil kuwento ito ng bawat pamilyang Pilipino.
“Yan din ang dahilan kung bakit maraming nakarelate sa #AndTheBreadwinnerIs. Dahil totoong istorya nila ito. Kwento ng aming mga pamilya.
“Masa ang nagbibigay sakin ng tagumpay. Sila ang pamilya ko. Kaya sa masa labis labis ang pagmamahal at pasasalamat ko!” mariin pang sabi ng komedyante.
Matatandaang naiuwi ni Vice ang Special Jury Citation sa MMFF 2024 Gabi ng Parangal para sa natatangi niyang pagganap bilang OFW sa “And The Breadwinner Is”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.