Diana Zubiri may insecurities din sa katawan; bongga bagong endorsement
NAPAKARAMING realizations sa buhay ng aktres at original “Encantadia” star na si Diana Zubiri sa ilang taong paninirahan sa Australia kasama ang kanyang pamilya.
Doon inabot ng COVID-19 pandemic ang aktres kasama ang asawang model na si Andy Smith. Kasagsagan din ng pandemya nang isilang niya ang second baby nilang mag-asawa na si Amira Jade Smith noong 2020.
Nagkaroon siya ng postpartum pagkatapos isilang si Amira kaya talagang challenging ang pagiging hands-on mom niya that time sa Australia.
“Yung mga iyak-iyak na wala lang naman, naranasan ko yun. Plus, siyempre, yung physical appearance, hindi mo basta-basta matatanggap.
“Yung mga feeling bloated, manas talaga, yun ang mga pinagdaanan ko,” pag-alala ng aktres sa panayam ng ilang piling members ng entertainment media kasama ang BANDERA sa launch ng kanyang bagong endorsement, ang Cara Aesthetics.
Baka Bet Mo: Boss Toyo ‘tumangkad’ dahil kay Diana; Encantadia costume bibilin ng P500k
Pero sey ni Diana, “Happy ako na pinagdaanan ko siya at nakabalik ako sa dating katawan ko. Nakabalik na ako sa… hindi naman sexy, pero at least, I’m still trying to lose.
“Proud din ako kasi habang nasa Australia ako, nakapagpa-breastfeed ako ng 18 months. Yun talaga ang pinakaano ko as a mom kasi nga pandemic baby siya.
“Sa Australia, walang help, ako lang at asawa ko ang nag-alaga. So, okay lang for me, noong time na ‘yon, talagang hindi ako maganda kasi wala naman din akong pinaggagandahan doon. Lahat ng mga tao doon ay equal kaya dedma na,” sey pa ni Diana na mapapanood muli sa telebisyon via Kapuso series na “Mga Batang Riles.”
Pero knows n’yo ba na sa ganda ni Diana ay may mga insecurities din siya sa kanyang katawan, kabilang na riyanbang kanyang braso dahil nalalakihan daw siya sa mga ito.
“May time na sa TV, di ba, kahit na payat ako sa personal, sabi ng iba, pero hindi ako napapayatan kapag napapanood ko yung hitsura ko sa TV.
“It’s more on kasi sa braso ko, yung boobs ko medyo malaki, so kapag naka-side view, yun talaga yung unang nakikita sa TV. So, kapag first time akong nakikita ng mga tao, yun ang laging ano sa akin, ‘Ang payat mo pala sa personal.’
“Yun talaga, parang naaapektuhan ako du’n. Nagwo-work out ako saka yung exilift, pampaliit ng tiyan at ng braso,” sey ng aktres na ang tinutukoy ay ang non-invasive treatment na planong gawin ng Cara Aesthetics sa kanya.
Wala naman daw problema kay Diana na sumailalim kung sakali sa cosmetic enhancement, “Well, ayaw ko namang sumali lang sa uso. Pero kung kailangan ko na, okay naman. Basta huwag lang siguro sosobra.”
Sabi pa ni Diana, mas naging maalaga pa raw siya ngayon pagdating sa kanyang face and body katawan, “Dati kasi hindi ako talaga mahilig. You know, kapag bata ka, masyado kang confident, ‘Ay, hindi ko pa kailangan ng kung anu-ano sa face.
“Noong lumipat ako sa Australia, doon ko na-feel yung aging. Iba rin ang weather doon, so doon ako nagsimula. Pero para kasing iba yung mga products doon, di ba? Hindi pang-Asian.
“So, noong na-try ko dito yung products nila, sabi ko, parang ito yung para sa akin. Kasi, nag-try ako ng iba’t iba doon, hindi siya effective, maraming lumabas na freckles and nagkaka-sunburn ako bigla.
“Mahirap siyang matanggal, matagal. Kaya noong nag-try ako ng sunscreen, ‘tapos bumalik ako sa Australia, effective siya. So, yun ang dapat talagang hanapin natin sa skin natin, kung magiging effective o magkakaroon ng positive result,” aniya pa.
Samantala, bago tumanggap ng endorsement, sinisiguro muna ni Diana na swak sa kanya ang mga produkto at serbisyo dahil ayaw naman daw niyang lokohin ang publiko.
Tulad nga ng Cara Aesthetics Clinic na matatagpuan sa Portico, Pasig City na siyang nag-aalaga ngayon sa kanyang mukha at katawan. Sey ng aktres, talagang sinubukan muna niya ang products and services nito bago niya tinanggap.
Ayon naman sa owner ng beauty and wellness clinic na si Miss Terrence Agtarap, si Diana ang napili nilang first celebrity endorser dahil naniniwala silang malaki ang maitutulong nito sa kanilang business.
Ipinagmalaki rin niya ang kabutihan ng puso ng aktres. Madali raw kasing kausap si Diana lalo na noong nagsisimula pa lamang ang negosyasyon para sa kanilang collaboration.
At dahil sa isyu ngayon ng mga celebrity endorser na nakakasuhan dahil sa umano’y investment scam, siniguro naman ng Cara na walang dapat ikabahala si Diana sa kanilang kumpanya.
Wala raw silang kinukuhang investors at sabi ni Miss Terrence sila lang talaga ang may-ari ng Cara Aesthetics at wala nang iba pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.