SEC inisa-isa ang mga nilabag daw na batas ni Neri Miranda kaya inaresto
ANU-ANO nga ba ang mga batas na nilabag umano ni Neri Miranda na nagresulta sa kanyang pagkaaresto at pagkakakulong?
Inaresto ang aktres at negosyante ng mga operatiba ng Southern Police District (SPD) habang nasa isang convention sa Pasay City noong November 23, dahil sa 14 counts of violation of Securities Regulation Code, estafa, at syndicated estafa.
Ito’y kaugnay ng pagbebenta umano ni Neri ng securities kahit hindi naman siya lisensiyado.
Aabot sa P1.7 million ang inirekomendang piyansa para sa 14 counts of security regulations violation habang non-bailable naman ang syndicated estafa.
Baka Bet Mo: Neri Miranda ‘biktima’ lang, Kiko Pangilinan handang tumulong
View this post on Instagram
Inisa-isa ng isang Securities and Exchange Commission (SEC) officer ang mga kasong isinampa laban sa asawa ni Chito Miranda.
Base sa paliwanag ni SEC Director Filbert Catalino Flores III sa programa nina Alvin Elchico at Doris Bigornia sa Teleradyo, naging endorser si Neri ng Dermacare ng kumpanyang Beyond Skin Care Solutions.
Kasunod nito, nanghikayat umano ang aktres na mag-invest sa nasabing kumpanya na naging hudyat ng problema niya sa SEC.
“Ang nakuha naming impormasyon po ay siya po ay naghikayat ng mga investments du’n sa Beyond Skin Care. Yun po yung kumpanya na iniimbestigahan po.
“Sa Securities Regulation Code, ang Section 20 na binanggit po, ang kailangan po kapag ang isa ay involved sa buying and selling ng securities po, investment contracts, etcetera. E, yan po ay kailangan nakarehistro sa SEC.
“Bakit po kailangang irehistro yan? Kasi meron pong obligasyon yan. Mini-maintain po dapat integrity ng market, investment market, capital market na tinatawag, para pag mas maraming nagtitiwala sa mga produkto natin, sa securities natin, mas maraming maengganyo na additional investment opportunity po yan sa mga tao.
“Kaya po ang SEC nire-require po, bukod sa may secondary license yung kumpanya tapos may securities na ini-issue nila nakarehistro, pati po yung nagbebenta, kailangan po nakarehistro sa amin,” tuluy-tuloy na paliwanag ni Flores.
Pagpapatuloy pa ng opisyal, “Kahit idepensa na yung talent ako, ako yung tagasabi lang, kung ang in-endorse lang naman niya, kaya itong produkto na ito o sinasabi lang magpunta kayo, maganda mag-make-up yan, walang problema yan.
“Pero kapag ang sinabi, ‘Mag-ano kayo, magandang investment to, kasi kikita kayo ng ganito, kikita kayo ng 10 percent or something,’ kapag nagkaganu’n na po, involved na kayo sa buying and selling of securities. Kailangan rehistrado na po kayo,” esplika pa niya.
Sa tanong kung ano nga ba ang ibig sabihin ng “securities”, sagot ng SEC official, “Magsasabi na lang ng samples, shares of stocks, yung mga bonds, yung proof of indebtedness na tinatawag, at investment contract.
“Paano natin malalaman kung itong isang bagay na ito, investment contract, may apat tayong panuntunan na tinatawag na Howey Test. Base po yan sa isang decision sa Amerika na na-adapt natin sa Pilipinas.
“Ano po yung Howey Test? Una, may investment ng money. Kailangan po nag-invest ng pera. Pangalawa po, nilagay sa isang common enterprise.
“Sabihin po, ‘Uy, mag-invest kayo dito kasi bibili tayo ng bagong kotse o bibili tayong bagong restaurant, gagawa tayo ng bagong… mayroon tayong bibilhin o mag-invest tayo sa isang business.’
“Pangatlo po ay yung may expectation of profit. Mayroon kayo inaasahan na may return sa inyo, bumabalik na interest or profit sa in-invest niyo.
“At ang pinakahuli po, ang pinakaimportante, primarily the efforts of others. Ibig sabihin, yung wala ka nang gagawin, nakaupo ka lang.
“Wala kang gagawin, hindi ka mag-manage, bayaan mong ibang tao ang gumagawa, kikita ka. Kapag yung apat na po yan, pumasok na po, investment contract na po yan.
“Ibig sabihin, kailangan po established na kumpanya yung nagbebenta, rehistrado na yung company na nagbebenta, rehistrado dapat po yung securities na binibenta. At pati po yung tao na nagbebenta kailangang rehistrado po,” aniya pa.
Nagbigay din ng payo ang opisyal ng SEC sa lahat ng gustong kumita sa legal na paraan para maiwasan ang nangyari kay Neri, “Kami, lagi namin inaano sa SEC, check with SEC.
“Importante po yan malaman niyo kung yan po ba ang kumpanya na nagbebenta sa inyo ay may secondary license. Yung bang kanilang ini-issue na mga investment, e, nakarehisto sa amin.
“Tapos puwede rin, yung kausap niyo ba ay rehistrado sa amin. Check with SEC. Madali po, magtanong lang po kayo. Sasagutin naman po kayo bago kayo mag-invest. Kailangan lang mapanuri kayo.
“Dapat may dudang konti dahil pera ang ilalabas ng tao. Importante po yan. Ang alam ko po, meron sa website namin kung sino may secondary license.
“Kapag may secondary license, regulated na po. Binabantayan na ng gobyerno yung activity na yan dahil may public interest na po yan.
“Kasi para yung tiwala ng tao, tuluy-tuloy pa rin sa activity na yan. So, meron po kami. Pero wala namang masama na mag-email kayo sa amin at [email protected],” ang pahayag pa ni Flores.
Habang isinusulat namin ang balitang ito ay nakakulong pa rin si Neri dahil nga walang piyansa ang kasong syndicated estafa. Hintayin na lang natin kung ano ang magagawa ng kanyang abogado para pansamantala siyang makalaya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.