DOJ ibinida ang inisyatibo sa paggunita ng 18-day campaign kontra VAW
MULING pinaigting ng Department of Justice (DOJ) ang dedikasyon sa pagtaguyod ng karapatan ng kababaihan sa paggunita nito sa 18-day na kampanya ng Philippine Commission on Women (PCW) para tuldukan ang Violence Against Women (VAW).
Ang nasabing kampanya ay mula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 12, 2024.
Sa ginawang kick-off ceremony ng DOJ na pinangunahan ni Justice Undersecretary Margarita Gutierrez, isang kilalang tagapagtanggol ng karapatan at kapangyarihan ng kababaihan, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng kampanya: “Ang araw na ito ay simula ng isang mahalagang paglalakbay—isang paglalakbay na pinalakas ng determinasyon, pagmamalasakit, at tapang na labanan ang kaharasang nagpapahirap sa ating komunidad.
“Mula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 12, magkaisa tayo sa isang layunin: tuldukan ang kaharasang bumabagabag sa buhay ng kababaihan at kabataan araw-araw.”
Ibinahagi ni Gutierrez ang datos mula sa National Demographic and Health Survey na nagsasaad na 1 sa bawat 5 kababaihan ay nakaranas ng emosyonal, pisikal, o sekswal na kaharasang dulot ng kanilang kasalukuyan o huling partner.
Dagdag pa niya, 8,055 kaso ng kaharasan laban sa kababaihan ang naitala ng Philippine National Police (PNP) noong 2023. Ang mga ito ay lumalabag sa Republic Act No. 9262 (Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004 o VAWC).
“Ang 18-araw na kampanyang ito ay pagkakataong manindigan laban sa kaharasan ng anumang anyo. Pakinggan ang mga biktima nang may malasakit at pag-unawa. When we listen, we heal.
“When we stand with them, we dismantle the shame and stigma that keep so many in the shadows,” dagdag ni Gutierrez.
Bilang kinatawan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, binigyang diin naman ni DOJ Undersecretary Nicolas Felix Ty ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang importansya ng collective action o pagtutulungang ma-solusyunan ang issue.
“Ang laban na ito ay hindi lamang responsibilidad ng mga institusyon ng gobyerno, kundi ng bawat isa sa atin,” sabi ni Ty.
“Kailangan nating maging accountable at magsilbing mabuting halimbawa upang makalikha ng isang lipunang malaya sa karahasan laban sa kababaihan.”
Ibinida ng DOJ ang ilan sa kanilang mga inisyatibong sumusuporta sa VAWC tulad ng kanilang pag suporta sa Safe Spaces Act.
Sila ay nagpalabas ng video na Bawal Ang Bastos, na nagpapamalas ng kanilang mga ginagawa sa pagpapatupad ng batas na ito.
Inilunsad din ng departamento ang lokal na sangay ng Men Opposed to Violence Against Women Everywhere (MOVE), kung saan nanumpa ang mga lalakeng empleyado ng DOJ ng MOVE Commitment Pledge bilang pagpapakita ng suporta laban sa karahasan sa kababaihan at kabataan.
Si Gutierrez din ay nanguna sa DOJ Action Center (DOJAC) Lecture Series, isang mahalagang inisyatibo ng departamento.
Inilunsad noong Set. 30, 2024, sa San Sebastian College of Law, hinihikayat ng serye ang mga susunod na henerasyon ng abogado na tumulong sa mga kasong rape at sexual violence sa pamamagitan ng pag-empower sa mga biktima na magsalita laban sa mga salarin.
Para paigtingin ang laban na ito, ang Kababaihan, isang bagong organisasyong naglalayong itulak ang inclusivity sa batas at itaguyod ang karapatan ng kababaihan, ay inilunsad ang #WagPo campaign para labanan at wakasan ang normalisasyon ng rape at sexual violence sa Pilipinas gamit ang mga makapangyarihang advocacy videos.
Kasama rin sa iba pang mga pagsisikap ng DOJ ang pakikilahok sa Inter-Agency Councils on VAWC at Trafficking in Persons, pagtatatag ng Gender and Development (GAD) at Special Protection Office, at pagbuo ng one-stop shop para sa mga biktima.
Ang mga sentrong ito ay nagbibigay ng mga safe space, counseling, at legal assistance. “Sa pamamagitan ng mga inisyatibong ito, pinapalakas natin ang sistemang legal upang protektahan ang mga biktima at papanagutin ang mga salarin,” binigyang-diin ni Gutierrez.
Hinimok ni Gutierrez ang publiko na aktibong suportahan ang 18-araw na kampanya gamit ang mga hashtag na #VAWfreePH, #FilipinoMarespeto, #SafeSpacesKasaliTayo, at #VowToEndVAW.
Inimbitahan din niya ang lahat na magbahagi ng mga larawan at personal na saloobin online upang palakasin ang kilusan tungo sa isang VAW-free na Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.