Ken Chan mas lalo lang nadiin sa kaso dahil sa pagpo-post sa socmed
TRUE kaya na hindi ipinaalam ng Kapuso actor na si Ken Chan sa kanyang legal team na maglalabas siya ng official statement tungkol sa kinakaharap na kasong syndicated estafa?
Isa ang isyung ito sa mainit na pinag-usapan sa online show ni Nanay Cristy Fermin na “Cristy Ferminute” kamakailan matapos ngang mag-post si Ken sa Instagram ng depensa niya sa naturang kaso.
“Personal kong babasagin ang aking katahimikan sa kumakalat na version ng kaso na isinampa laban sa akin dahil sa pagkalugi ng itinayo naming negosyo na Café Claus na nagkaroon ng tatlong branches at nagsara.
“Hindi po ako nanloko ng tao, naitayo po ang negosyo ngunit hindi ito nagtagumpay.
Baka Bet Mo: Sunshine Dizon sa basher na pinagdiskitahan ang kanyang estafa case: ‘You don’t know the whole story’
“Hindi po dahil ito ang amount na isinampa laban sa akin ay ito na ang buong katotohanan. Sasabihin ko po nang buong-buo ang actual na numero at detalye na masyado nang naging exaggerated dahil sariling panig pa lamang ng complainant ang inilabas nila.
“May mga bagay kami na kailangang ipaglaban lalo na kung bakit naisampa ito bilang syndicated estafa, na kung tutuusin ay dapat umiikot lamang sa pagkalugi ng negosyo.
View this post on Instagram
“Ako naman po ang maglalabas ng mga detalye sa mga darating na pagkakataon dahil patuloy po ang pagdikdik sa akin ng mga taong gustong sirain ang pagkatao ko.
“Sa mga hakbang na ginawa nila mula pa noong nakaraang taon hanggang ngayon, makikita ninyo ang intensyon ng mga taong gusto akong pabagsakin.
“Lumalaban po ako at hindi tumatakbo palayo sa isinampang kaso sa akin. Mahigit isang dekada kong pinaghirapan ang aking career at hindi dahil sa akusasyon ng iilan ang magtatapos ng napakagandang future na inilaan para sa akin ng Panginoon.”
Ayon kay Nanay Cristy, mas lalo lang daw nadidiin ngayon ang aktor sa kasong syndicated estafa dahil sa naturang statement na wala raw kaalam-alam ang kanyang abogado.
“Pinag-usapan natin noong nag-post siya sa IG account niya noong tungkol sa kaniyang depensa sa mga isyung kinapapalooban niya ngayon, walang alam ang kaniyang legal team,” pahayag ng veteran entertainment columnist at radio-online host.
“Sinabihan na siya, kaya lang huli na noong sabihan siya. Nagawa na, e,” ang pagsang-ayon naman ng co-host ni Nanay Cristy na si Romel Chika.
Hirit pa niya, “Pumasok na ang maraming mga komento at kung ano-ano pa at dadagdag pang mga kaso. Kasi nabigyan ng chance ‘yong mga magrereklamo.”
Ang advice si Nanay Cristy kay Ken, huwag na huwag idadaan sa social media ang saloobin ng isang taong may kinakaharap na kaso.
“Wala ‘yan sa social media. Nasa piskal ‘yan, nasa korte. Hindi na dapat mag-post pa si Ken Chan. Lalo lang siyang nadidiin,” payo ng beteranang host.
Matatandaang sumugod sa bahay ni Ken ang ilang pulis para i-serve ang warrant of arrest laban sa aktor noong November 8 pero nabigo nga silang arestuhin ang binata dahil wala ito roon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.