Neri Naig bakit nga ba kabilang sa Top 10 ‘Most Wanted Persons’?
IPINALIWANAG ng Southern Police District kung bakit kasama sa kanilang listahan ng “Most Wanted Persons” ang actress-entrepreneur na si Neri Naig-Miranda.
Ayon kay PMAJ Hazel Asilo, ang Public Information Office Chief ng SPD, ito ay dahil sa dami ng counts, sa laki ng piyansa, at bigat ng kaso na isinampa sa aktres.
“It’s because of the number of counts of her case. Kasi 14 counts po ‘yung kanyang case, 14 counts of violation of section 28 of the RA 8799, as well as ‘yung syndicated estafa,” sey ng opisyal sa programang “At The Forefront” ng Bilyonaryo News Channel.
Paliwanag niya, “Nagbe-base po kasi kami sa number of counts at tsaka sa gravity ng case. Ganun din po sa bail na kailangan nilang i-comply para makalaya po sila. So may mga kino-consider po kami na para malagay doon sa ‘Top Most Wanted’.”
Nang tanungin si Asilo kung ano-ano pa ‘yung mga kaso na kabilang sa “Top 10 Most Wanted.”
Baka Bet Mo: Kampo ni Neri naghain ng ‘motion to quash’, arraignment inurong sa Enero
“That’s usually murder, rape, syndicated estafa, cases like that. ‘Yun po ‘yung mga pumapasok sa ‘Most Wanted’ natin, and violation of RA 9165 which is illegal drugs,” sagot niya.
Dagdag pa niya, “We have a weekly accomplishment report. Last week, we had 92 arrests for the ‘Most Wanted Persons’ here in Southern Police District.”
Magugunitang inaresto ang aktres ng mga operatiba ng SPD habang nasa isang convention sa Pasay City noong November 23 dahil sa umano’y paglabag sa Securities Regulation Code, estafa at syndicated estafa.
Una itong ibinalita ng online host na si Ogie Diaz sa kanyang YouTube vlog at sinabing nasa top wanted person pa ang misis ni Chito Miranda.
Kinumpirma naman ito ng SPD na kung saan nasa Top 7 list ng “police station level” ang aktres.
Ang kabuuang halaga upang makalaya ang aktres ay nasa P1.7 million.
Nag-file na ng “motion to quash” ang legal team ni Neri na naglalayong mapawalang-bisa ang mga kasong isinampa laban sa kanya.
Nagtungo rin ang kampo ng aktres sa Regional Trial Court sa Pasay City para sa arraignment sana, ngunit ito ay iniurong ng korte sa January 9 dahil kinailangan muna raw magsumite ng kani-kanilang komento ang prosecution at Securities and Exchange Commission (SEC) hinggil sa mosyon na inihain ng kampo ni Neri.
Ilang araw matapos makulong ay isinugod sa ospital ang misis ni Chito para i-assess ang kanyang medical condition at kanyang well being.
Mismong ang legal counsel daw ni Neri ang nag-request nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.