Kay Ticzon ibinigay ang timon ng Global Port
SI Richie Ticzon ang siyang gigiya sa Global Port sa pagbubukas ng 39th season ng PBA sa Linggo. Si Ticzon ay ninombrahang interim head coach ng Batang Pier matapos na mabigo ang management na makipagkasundo sa tatlong iba pang kandidato para sa pusisyong binakante ni Edmundo “Junel” Baculi.
Si Ticzon ay unang kinuha bilang assistant coach kasama nina Eric Gonzales at Mac Cuan ng Far Eastern University at Bonnie Tan ng Lyceum. Siya sana ang magsisilbing No. 1 assistant coach sa kung sino man ang makuha ng Global Port bilang head coach.
Sinubukan ni team owner Mikee Romero na makipag-usap kina Alex Compton, Nash Racela at Olsen Racela na pawangmga assistant coaches sa PBA subalit hindi pinayagan ang mga ito ng kani-kanilang mother teams na lumipat.
Si Compton ay nakapirma ng two-year contract sa Alaska Milk bilang assistant ni Luigi Trillo. Si Olsen ay nasa SanMig Coffee samantalang si Nash ay nanatili sa Talk ‘N Text.
Si Nash Racela sana ang logical choice dahil sa siya ang head coach ng FEU Tamaraws at kasama niya doon sina Ticzon, Cuan at Gonzales.
Nakunsidera din si Juno Sauler na naghatid sa La Salle Green Archers sa kampeonato ng UAAP men’s basketball subalit hindi siya kinuha ni Romero dahil sa personal na dahilan.
“Kaibigan ko siya, e. Kakampi ko sa high school Magkasama kami hanggang college. Baka mag-away lang kami. Mabuti na yung magkaibigan kami at tulungan niya ang La Salle,” ani Romero.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.