Daga na nagtago sa cabinet may 1 ulo pero 3 ang katawan, anyare?
NAKAKALOKA ang naging experience ng isang lalaki na nakakita ng daga sa loob ng kanilang bahay na umano’y may tatlong katawan pero iisa lamang ang ulo.
Nakunan niya sa isang video ang paglabas daw ng daga mula sa isa niyang cabinet sa bahay, pero hindi umano ito pangkaraniwang daga dahil tila may tatlong katawan ito nang makita niyang nagtatakbo palabas.
Napanood namin ang naturang video sa “For You Page” ng GMA Public Affairs, kung saan ibinahagi nga ni Junjun Castro ang buong pangyayari.
Aniya, bigla na lamang daw siyang nagising dakong 5 a.m. dahil naramdaman niyang tila may kumakaluskos sa kanyang cabinet.
Baka Bet Mo: Neri mas gustong konti ang gamit sa bahay: Para nakakahinga ang brain!
“Nagising po ako, paggising ko, binuksan ko, ‘yun nga, tumakbo na sila,” shookt na kuwento ni Castro sa naturang panayam.
“First time ko talagang makita ‘yun. Ang nakikita ko rito paisa-isa, hanggang dalawa na magkahiwalay. Pero ‘yung nagkadugtong sila, first time kong nakita ‘yun,” paglalarawan pa ni Castro sa nakita niyang daga.
Aniya pa, “Natakot po ako na first time ko, tapos bagong gising pa ako, umagang umaga pa, pagtingin ko, ‘yun pa ang nakita ko.”
“Hinabol ko ‘yung daga, hinanap ko siya dito sa tinakbuhan niya pero hindi ko na nakita, hindi ko na naabutan, hindi ko na namalayan kung saan napunta. Bigla na lang nawala sila,” pagbabahagi pa ni Castro.
May paliwanag naman ang veterinarian na si Dr. Zarah M. Rosuello, sa nabidyuhan ni Castro. Aniya, inang daga ang nakita niya kasama ang dalawa nitong anak na bubwit.
“It seems sumususo ‘yung dalawang maliliit, ‘yung smaller na rats. I-assume na ‘yung mama rat ‘yung naunang tumakbo tapos nakasabit na lang ‘yung dalawang maliliit, ‘yung babies. Dalawa ‘yung nakasabit doon sa nanay,” esplika ng beterinaryo.
“It’s really possible because ‘yung area na ‘yun ng cabinet could be a safe place for the mama rat to deliver at manganak,” sabi pa ni Rosuello.
Samantala, sey naman ng entomologist na si Alhmar Cervantes, “Hahanap ang daga ng safe na lugar. So kung kunwari ‘yung durabox, sisiksik siya roon sa may likod kung alam niya, feeling niya secure siya, hindi siya makikita, makakatago siya.
“Apparently it looks like may mga baby siya roon so dala-dala niya ‘yun. Kung nadi-disturb sila or gusto niyang mag-evacuate, dadalhin niya ‘yung mga anak niya and hindi niya naman maaakay ‘yung mga iyon.
“So ganu’n ang gagawin nila kakagat sila, usually by mouth, kakapit sila roon sa tail nu’ng mother,” aniya pa.
“Ang number one for all kinds of is rodents is maintain cleanliness. Kasi tatlo lang parati ang hinahanap ng mga daga.
“They will look for food, water and shelter. Kung may makakain sila, maiinom sila at matataguan, posible ka nilang puntahan,” dagdag pa niya.
Inamin naman ni Castro na hindi na talaga siya masyadong nakakapaglinis ng bahay dahil sa kabisihan sa trabaho, lalo na ang cabinet ng kanyang mga damit.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.