Tatay ni Carlos Yulo umalma na: Dapat mag-sorry siya sa nanay niya
NAGLABAS na ng saloobin si Mark Andrew Yulo tungkol sa matagal nang alitan ng kanyang asawang si Angelica at anak na si Carlos Yulo.
Pinagsabihan ni Mark ang kanyang 2-time Olympic gold medalist na anak na humingi ng tawad sa kanyang nanay matapos itong akusahang magnanakaw at nagwaldas ng kanyang pera.
Nagkomento ang ama ni Caloy sa isang Facebook post ng ABS-CBN kung saan nakasaad ang pahayag ng Pinoy champ na nais niyang matuto ng iba pang sports bukod sa gymnastics.
Ang nakasulat sa caption ng naturang post ay, “Legend na siya sa gymnastics at kung bibigyan ng pagkakataon ay gustong matuto ni Carlos Yulo ng ibang sport.”
Baka Bet Mo: Angelica Yulo kay Carlos: Humihingi ako ng patawad anak…nanay lang ako
Sabi ni Carlos sa interview, “Gustung-gusto ko matuto ng kickboxing. Pero hindi po ano, wala pong sparring.
“Gusto ko lang ma-try yung trainings nila and mag-cross training po. And also boxing po.
View this post on Instagram
“Siguro po yung footwork talaga. Yung combat, hindi ko alam. Ayoko makipag-sparring po pero gusto ko po matuto,” ang pahayag pa ng binata.
Mababasa naman sa comments section ang post ng tatay ni Carlos kung saan sinabihan nga nitong sa halip na matuto ng ibang sports ay matuto muna siyang “mag-sorry” sa kanyang nanay.
Komento ni Mark, “Dapat matuto siyang mag sorry sa kanyang nanay na Mali ang Ang sabihan nya ang kanyang nanay na mag nanakaw para gumanda ang kanyang imahen.”
Patunay lamang ito na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagkakausap at nagkikita si Carlos at ang kanyang pamilya matapos magtagumpay sa laban niya sa 2024 Paris Olympics.
Naglabasan ang chika na winaldas umano ni Angelica at ng kanyang pamilya ang mga perang pinaghirapan at kinita niya sa pagiging atleta. Kinuwestiyon ni Carlos ang sariling ina kung saan napunta ang kanyang savings sa banko.
Baka Bet Mo: Carlos Yulo pinayuhang puntahan, makipag-ayos na sa inang si Angelica
Mariin itong pinabulaanan ni Angelica at sinabing wala siyang ninakaw na pera sa anak at ang tunay na dahilan daw ng alitan nila ni Caloy ay ang girlfriend nitong si Chloe San Jose. Hindi raw siya boto sa dalaga para sa anak.
“Ang naging mitsa lang naman talaga ever since yung babae talaga. Oo, alam ko, gusto nilang magkasama. Gusto niyang makasama si Caloy, gusto rin siyang makasama ni Caloy.
View this post on Instagram
“Pero siyempre, kasi pamilya kami. Kumbaga, parang matagal din namin siyang hindi nakasama. Because of pandemic, di ba?
“So siyempre, kung siya gusto rin siyang makasama nung girl, how much more kami na pamilya niya na gusto rin siyang makasama?
“Even yung mga kapatid niya kasi talagang medyo nalulungkot lang kasi sobrang close silang magkakapatid.
“Wala kaming ninakaw, wala kaming ginalaw na pera niya. Siguro meron portion na hindi man lang sabihin mong aaray yung bulsa niya,” paliwanag ni Angelica.
Ilang araw matapos magsalita si Angelica ay nagpa-presscon naman siya at humingi ng sorry kay Carlos, “Umabot na kasi ito sa nakaka-alarmang sitwasyon dahil buong sambayanan, alam na at nakaabang na sa mga susunod na salita ng bawat isa kung kailan dapat ang ganitong hindi pagkakaunawaan, naway nanatili lamang pribado at inayos sa personal na paraan.
“Hindi ako perpektong ina at alam ng Diyos na hindi ka din perpektong anak at walang perpektong pamilya.
“Walang ibang hangad ang isang ina kundi ang ikabubuti ng kanyang anak at sa bawat miyembro ng pamilya. Sa paraan mang marahas, maingay, sanay maunawaan mo na ang intensiyon ko ay malinis.
“Ako ay isang ina na nasaktan dahil ang mabait na anak na pinalaki ko ng maayos at mabuting tao ay hindi na nakikinig sa mga paggabay ng magulang. Kung mali na naging mapagpuna ako sa nobya mo, humihingi ako ng patawad, dahil nanay lang ako na nag-aalala.
“Matanda ka na, kaya mo nang magdesisyon para sa sarili mo. Bukas ang aming pintuan sa tahanan, may pera o wala, kung nanaisin mong bumalik sa amin.
“Hindi na pwedeng bawiin ang nasabi na. Ang amin lang, handa ako at ang papa mo mag-usap tayo ng bukas ang loob, na may pag-unawa anumang oras na handa ka, pag uwi mo upang maayos ito.
“Hindi kailangan ng ibang tao na malaman ang mga alitan dahil hindi nila alam ang buong kwento at hindi nila ito lubos na nauunawaan. Gayunpamamn, humihingi ako ng patawad sa iyo at sa sambayanan sa mga nasabi ko sa interbyu.
“Patawad, anak. Naiintindihan ko na maaaring tingnan ng iba na kaya lamang ako nagsasalita ngayon ay dahil sa iyong tagumpay at kasaganaan. Ako ay nagsasalita para ilagay na sa katahimikan ang issue.
“Bukas ang pintuan para pag usapan ng personal na walang galit. Hindi man humantong sa pagkabuo ng pamilya naway, maipanatili natin ang respeto sa isat isa at sa dignidad ng pamilya.
“Kung hindi man tayo magkaayos, sana sa pagdating ng panahon, maunawaan ang laging aking panig, intensyon, at hindi ang ingay. Ang pamilya iisa lang yan, at laging anjan lang para sa isa’t isa, sa kabila ng aumang pagsubok o alitan. Itoy pilit nating unawain hanggang wala na tayo maisip kundi ang mag ayos…siguro.
“Caloy, congratulations sa iyong tagumpay. Mahal kita, mahal ka naming lahat.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.