Gerald Santos ‘nilapitan’ ng iba pang nabiktima ni Danny Tan: May mas bata pa!
Trigger Warning: Mentions of sexual abuse and harassment.
MAY bagong update si Gerald Santos kaugnay sa naranasan niyang sexual abuse sa dating GMA musical director na si Danny Tan.
Sa pamamagitan ng YouTube vlog, ibinunyag ni Gerald na hindi siya nag-iisa sa ginawa ni Danny dahil marami pa pala itong nabiktima.
Kwento ng singer, “‘Nung pinangalanan ko po siya (Danny Tan), ako po ay gulat na gulat dahil may mga nag-message po sa akin na mga ilan niya rin pong nabiktima.”
“Ang kinagulantang ko po ay meron din po na mas bata pa sa akin ‘nung naganap po ang pang-aabuso. Grabe po,” sey pa niya.
Baka Bet Mo: Gerald Santos ipinaglaban ni Kuya Germs matapos daw pag-initan sa GMA
Magugunitang taong 2005 at nasa edad 15 pa lamang si Gerald nang siya ay halayin ng dating musical direktor.
Iginiit din niya sa vlog na wala siyang karapatang magsalita tungkol sa mga karanasan ng iba pang mga biktima, kaya ito ay hinihikayat niyang mag-speak up na mismo.
“Siguro langit na po ang gumagawa ng paraan para mapanagot o mapatigil ang ginagawang kasamaan nitong taong ito,” dagdag niya sa video sharing platform.
Panawagan pa niya sa iba pang naging biktima umano ng sexual abuse, “Panahon na. This is the time. Lumabas na kayong lahat.”
Bukod diyan, inihayag na rin ni Gerald sa vlog ang mga susunod niyang hakbang laban kay Danny.
Ayon sa singer, siya ay personal na pinatawag ni Senador Jinggoy Estrada upang alukin na legal assistance at proteksyon.
Nagpasalamat sin si Gerald sa GMA dahil inaksyunan din nito ang nasabing isyu.
Kasalukuyan daw niyang inaantay ang kopya ng official result mula sa isinagawang imbestigasyon ng Kapuso network.
“Habang inaaral po namin ang aming case buildup ng aking legal counsel, back to normal po muna ako sa aking first love which is ang singing and acting,” saad niya.
Mensahe pa ni Gerald para sa mga naging biktima ng sexual abuse, “Ito pong kaso ko ay sana magsilbing inspirasyon sa inyong lahat na hindi pa huli ang lahat para humingi ng hustisya.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.