GMA umalma sa rebelasyon ni Gerald Santos laban sa musical director
Trigger Warning: Mentions of rape, sexual abuse
NANINDIGAN ang GMA Network na wala silang kinikilingan at pinoprotektahan pagdating sa isyu ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso.
Ito’y matapos aminin ng dating Kapuso singer-actor na si Gerald Santos na ginahasa siya ng dating musical director ng Kapuso Network noong 15 years pa lamang siya.
Ayon sa pamunuan ng GMA, magkaiba raw ang ibinigay na salaysay ni Gerald sa naganap na Senate hearing kahapon, August 19, sa nakasaad sa formal complaint na inihain niya noong 2010.
Baka Bet Mo: Kylie feeling ‘chaka’ noon kaya nagkaroon ng eating disorder: Being me is not beautiful…
“Ako po ay hindi po na-harass, hindi po na-abuse. Ako ay na-rape po. Na-rape po ako, your honor.
“Handa po akong ikwento dito ang nangyari, pero ako po ay natatakot na baka po ako ay balikan ng mga taong ito,” ani Gerald.
Nangyari ang insidente noong 2005 at 15 years old pa lamang daw siya noong maganap ang pangre-rape sa kanya.
“For 19 years kinip ko lamang ito dahil sa takot ko nga po, sa kahihiyan. Hiyang-hiya po talaga ako lalo na noon dahil ‘yung grupo na nasa loob ay parang dini-dismiss lang nila ‘yung sinabi ko, na parang mag-move on ka na lang kasi kalakaran ‘yan dito.
“I was only 15 years old at that time your honors kaya wala pa po akong lakas ng loob noon. Contestant pa lang po ako noon. Kaya di ko nasabi agad…sa parents ko na iyak na lang nang iyak. Kinamatayan na ng lolo ko sa sama ng loob niya kasi di po ako nabigyan ng katarungan po,” ani Gerald.
Baka Bet Mo: Niño Muhlach napaiyak sa Senado dahil sa pang-aabuso kay Sandro
Narito naman ang official statement ng GMA hinggil sa isiniwalat ni Gerald laban sa musical director.
“Naninindigan ang GMA Network laban sa lahat ng uri ng pang-aabuso. Hindi kinukunsinti ng GMA ang anumang uri ng pang-aabuso sa mga artista, personalidad, empleyado, independent contractors, at iba pang stakeholders nito.
“Alinsunod dito ang naging aksyon ng Network matapos nitong matanggap ang formal complaint ni Gerald Santos noong 2010.
“Agad nagsagawa ng imbestigasyon at matapos nito ay agaran ding ipinatupad ng Network ang nararapat na parusa sa inakusahan.
“Tinerminate ng GMA ang kontrata ng inakusahan, at hindi na rin siya muling kinuha o binigyan ng trabaho pagkatapos nito,” ayon pa sa statement.
“Ngunit ang nilalaman ng formal complaint na inihain ni Gerald noong 2010 ay naiiba sa akusasyon niya ng rape na binanggit niya sa Senado. Ngayon lang din nakarating sa kaalaman ng pamunuan ng GMA ang bagay na ito.
“Nais ding linawin ng GMA ang naging pahayag ni Gerald na natanggal siya sa Network. Siya mismo ang humiling ng early release mula sa kanyang management contract noong 2010, na pinagbigyan ng GMA.
“Sa parehong taon ay agad din siyang lumabas sa ibang TV network. Dagdag pa rito, sumubok ding bumalik si Gerald sa GMA matapos ang kanyang kontrata sa TV5 noong 2013,” ang buong pahayag ng network.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.