Teacher na inakyat ang flagpole para sa bandila ng Pilipinas, viral
HINANGAAN ng mga netizens ang video ng teacher na umaakyat sa flagpole ng kanilang paaralan para maikabit ang tali ng bandila ng Pilipinas para sa kanilang flag ceremony.
Nakilala ang babaeng guro bilang si Carol Baro Figuro, isang master teacher na apat na taon nang nagtuturo sa Savidug Elementary School, sa Sabtang, Batanes.
Agad ngang nag-viral ang video na in-upload ng kanilang principal na si Arlene Castillo at pumalo na ito sa mahigit 12 million views. Ang co-teacher naman nilang si Llewellyn Almeyda ang kumuha ng video.
Baka Bet Mo: Teacher nag-viral matapos i-live ang pagsigaw sa mga estudyante
Tila nga pambato ang teacher sa larong palosebo sa galing nito sa pag-akyat sa flagpole na para bang walang kahirap-hirap ang gawin ito.
Base sa naging panayam kay Teacher Carol, bata pa lang ay sanay na sanay na siyang umakyat sa puno ng niyog kaya hindi na siya nahirapan sa pag-akyat sa flagpole.
Ayaw na raw niyang iasa sa mga estudyante ang paglalagay ng tali para sa watawat sa flagpole dahil alam niyang delikado ito kaya siya na ang nagkusang umakyat.
Nagpasalamat rin si Teacher Carol sa lahat ng mga netizens na nagpakita ng concern at paghanga sa kanya sa pamagitan ng isang Facebook post.
“Super overwhelmed po ako sa saludo at appreciation po ninyo sa simpleng act ko po, hindi lng naman po ang pag-akyat sa flagpole ang ginagawa ko na men’s job for school and even po s bahay..I was so thankful po kay Lord for blessing me these talents na ginagamit ko naman po para makatulong po sa iba…
“Super thank you po sa inyong lahat na sumaludo at nainspire po at thank you din po sa mga nagpaabot ng pagaalala sa akin…thank you po kay Principal Arlene R. Castillo at kay maam Llewellyn Almeyda sa na nagvideo ng pag akyat ko,” sey ni Teacher Carol.
Bukod sa pag-akyat sa flagpole ay nakaka-inspired rin ang dedikasyon nito sa pagtuturo dahil binabagtas nito ang halos 14 kilometro para lamang magturo sa mga bata.
Samantala, marami naman sa mga netizens ang nagpaalala sa guro na mag-ingat pa rin kahit sanay ito sa pag-akyat lalo na at panay ang pag-ulan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.