Arnold Clavio sa pang-aabuso sa showbiz: Kailangan na itong matigil!
NANAWAGAN ang isa sa mga GMA pillar na si Arnold Clavio na magkaroon ng industry-wide campaign para maiwasan ang sekswal na pang-aabuso sa loob ng showbiz.
Sa kanyang Instagram post ay ibinahagi niya ang kanyang saloobin hinggil sa hindi natatapos na isyu hinggil sa pananamantala sa industriyang ginagalawan.
Para kay Arnold, ito na rin ang tamang oras para magsalita at gawing accountable ang mga perpetrators o mananamantala sa kanilang ginawa.
“Sa Industriya ng Showbiz sa Pilipinas, marami na ang nababalitaan ng ‘sexual harassment’ lalo na sa mga nagnanais maging artista.
Baka Bet Mo: Arnold Clavio ‘nagpaalam’ na kay Chino Trinidad, ibinandera ang last convo
View this post on Instagram
“Ang pagpayag sa pabor o gusto ng isang may kapangyarihan para sa isang baguhan ang pinakamadaling paraan na makamit ang kanyang pangarap,” panimula ni Arnold.
Pagpapatuloy pa niya, “Kalimitan dito ay sekswal na pang-aabuso , sa babae man o sa lalaki. Tali ang kamay ng mga biktima na tumanggi sa paniwalang di sila magtatagumpay sa piniling career.”
Kaya raw kahit madakit sa kalooban ay tinatanggap na lamang ito ng karamihan sa industriya.
Lahad pa ni Arnold, “Pero may isa pang problema ang tila pagtanggap sa maling kalakarang ito. Pinipili ng ilan na manahimik dahil ayaw na mapahiya, sa kanyang pamilya o sa publiko.
“Sa ganitong situwasyon, ang predator ang may koneksyon o may protektor, para hindi magtagumpay ang anumang reklamo.”
Giit ni Arnold, dapat nang matapos ang ganitong pangyayari sa industriya.
“Kailangan na itong matigil !!! Kailangan na ang isang malaganap na kampanya para sa kamalayan laban sa sexual abuse, sexual harassment at maging sa kultura ng panggagahasa.
“Ipakita dapat ng buong industriya ang suporta kung saan ipinapahayag ng mga biktima ang kanilang mga karanasan sa sekswal na pang-aabuso,” sey ni Arnold.
Dagdag pa niya, ang suportang ito ang magbibigay ng kapangyarihan sa mga nakaranas ng pang-aabuso.
“Kung ang lahat ng biktima ay magkakaisa tiyak na kikilos ang buong industriya para ito ay wakasan. Para sa mga naging biktima, hindi ka nag-lisa at hindi ka dapat mahiya.
“Para sa nakararanas ng ganitong mapait na situwasyon, may karapatan kang tumanggi nang pag-aalinlangan o takot sa iyong magiging kinabukasan,” ani Arnold.
Hirit pa niya, lahat ay may responsibilidad para matigil na ang matagal nang problema sa showbiz.
Panawagan ni Arnold, “Lumantad, lumabas, mag-ingay ang sinuman sa atin na nakasaksi o may nalalaman na naganap na sekswal na pang-aabuso o panggigipit.
“Sapat ang batas at kailangan lang ay pagkakaisa ng lahat, hindi lang sa industriya ng showbiz kundi sa lahat ng lugar ng iyong trabaho.
“Isang malakas na sigaw ng “AYOKO!” ang iparating natin sa mga hinayupak na mapagsamantala sa kahinaan ng iba.”
Makikita rin sa comment section ng kanyang post ang patungkol sacststement na inilabas ng kanyang home network hinggil sa isyu na handa itong magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa insidenteng nangyari.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.