Bangkay ng nawawalang beauty queen, Israeli boyfriend natagpuan sa Tarlac
MAKALIPAS ang dalawang linggong paghahanap, natagpuan na ang mga labi ng nawawalang Pampanga beauty queen na si Geneva Lopez at Israeli boyfriend na si Yitshak Cohen sa Tarlac.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), nakita nila ang mga katawan sa Barangay Sta. Lucia. Inilibing ang magkasintahan sa isang madamo at liblib na lugar.
Ang mga nakuhang labi ay dinala na sa Lotus funeral home sa Barangay San Vicente ng nasabing probinsya para ipa-autopsy at DNA.
Pero ayon sa mga pulis, mismong pamilya ng magdyowa ang nagbigay na ng positibong pagkakakilanlan sa natagpuan nilang mga bangkay batay sa kanilang mga damit at pisikal na katangian.
Dahil sa nadiskubre, ang focus na ngayon ng mga awtoridad ay hanapin ang pumatay kina Geneva at Yitshak.
Baka Bet Mo: Nawawalang magkasintahan ex-pulis na nag-AWOL ang kinatagpo sa Tarlac
Magugunita noong June 21 nang i-report na missing ang dalawa. Ang magdyowa ay huling nakita nang umalis sila sa kanilang tahanan sa Malabanias, Angeles City.
Ayon sa initial investigation, kikitain sana nila ang middleman ng binilhan nila ng lupa sa Armenia, Tarlac City.
Noong June 22 nang matagpuan ang ginamit nilang sasakyan na sinunog sa Barangay Cristo Rey sa Capas, Tarlac.
Sa isang media interview noong Biyernes, July 5, nilinaw ng kapatid ni Yitshak na si Yanic na nagpunta ang magdyowa sa Tarlac hindi para tingnan ang lupa, kundi para kuhain ang titulo nito.
Ayon sa kanya, nabili na kasi ito ng couple ilang taon na ang nakakaraan.
Kamakailan lang, sinabi ng CIDG na may lumapit na witness sa pulisya upang ituro ang lokasyon ng mga bangkay ng couple na nasa lupain na pagmamay-ari ni Mr. Pamintuan.
Noong nakaraang lang din napag-alaman na dating pulis ang nagsilbing middleman na kausap nina Geneva at Yitshak na naging isa sa “persons of interest” sa kaso, pati na rin ang anim pang sibilyan.
Kung matatandaan, naunang nag-alok ng P500,000 reward money ang pamilya ng magdyowa para sa sa mabilisang paghahanap at dagdag pa riyan ang P100,000 reward mula kay Angeles City Mayor Carmelo Lazatin Jr.
Tiniyak naman ni Interior Secretary Benhur Abalos na mananaig ang hustisya sa nangyari sa dalawa.
“This heartbreaking discovery underscores our unwavering resolve to bring justice to all victims,” sey ni Abalos sa isang PNP statement.
Wika pa niya, “We will not rest until those responsible are held accountable. Justice will be served.”
“We are committed to ensuring that justice prevails, not just in this case, but in all instances where the innocent suffer,” ani pa ng kalihim.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.