SB19 Stell sa tumawag sa kanya ng ‘panget’: Hindi naman ako nasaktan
NALOKA at nagalit ang mga fans ng super P-Pop group na SB19 matapos laitin ng isang content creator ang isa sa mga miyembro nitong si Stell Ajero.
Niresbakan ng mga A’TINs (tawag sa fan group ng SB19) ang vlogger na si Stella Salle dahil sa pagtawag nito kay Stell ng “panget” sa isa niyang Facebook post.
Nag-post si Stella ng throwback photos ng Stell na may caption na “panget” na siyang ikina-bad trip ng mga fans ng SB19 member. Nakatikim ng masasakit na salita ang content creator mula sa mga A’TIN.
Baka Bet Mo: Stell kumikita na nang bonggang-bongga para sa sarili at pamilya; sinigurong hindi mabubuwag ang SB19
Pero sa halip na manahimik at bawiin ang kanyang hate comment kay Stell, pinanindigan pa rin niya ang kanyang sinabi, “Pero totoo naman diba panget siya pero natatakot lang kayo magsalita!”
After a while, binura rin ni Stella ang kanyang post, pero humirit pa rin, “Delete ko na nga oa niyo leche totoo naman sinasabi ko.”
View this post on Instagram
Sa gitna ng pangnenega at pagbwelta sa kanya ng fans ni Stell, biglang bawi si Stella at nag-issue ng public apology, “Gusto ko pong humingi ng paumanhin direkta mismo kay Stell ng SB19 at sa mga taong nasaktan ko dahil sa aking mga pahayag.”
Nitog nagdaang Sabado, June 1, nag-live sa TikTok si Stell para sagutin ang panlalait ng bina-bash na content creator.
“Yung mga taong iniisip or nagtatanong kung okey lang ako. Don’t worry guys, I’m okay. Sobrang busy lang talaga. Tsaka di naman ako nasaktan, to be honest,” simulang pagbabahagi ng SB19 member.
Patuloy niya, “‘Tsaka sabi nila, di ba? Pag marami kang basher, ibig sabihin, sikat ka na! Boom, sikat. Hindi, joke lang! ‘Tsaka ba’t ako masasaktan, di naman totoo. Joke!”
Aniya pa, “Pero clear ko lang, ah, hindi ako galit doon sa tao. Siyempre nagulat lang na may ganun pala. Di ko rin naman siya masisisi kung ganun yung tingin niya. Siya naman yun.”
Sinagot din ni Stell ang ilang netizens na kumampi kay Stella at nagsabing totoo naman daw ang mga pinagsasabi ng vlogger.
View this post on Instagram
“May salita pa rin naman na ‘maging mabuting tao.’ Pwede ka naman maging honest… Depende yan sa intention. Pwede ka magsabi ng totoong bagay pero ibase mo sa intention.
“Kung yung intention mo ba sinasabi mo siya para maging aware yung tao or parang…normally mo lang siya sinasabi. Or yung intention mo is makapanakit ng tao. So that’s different,” esplika pa niya.
“All the things happened, wala naman na tayong magagawa du’n. Sila naman yun. Basta ang sasabihin mo sa atin lang, let’s continue life and let’s keep on doing the things that we love kasi yun naman yung hindi nila makukuha sa atin. Right?
“Just keep on doing the things you love and focus on your goal and continue ang lahat ng gusto mo basta wala kang inaapakang tao.
“Yun naman yun, e. Napakasimple pero sobrang… pasok sa lahat ng bagay. Let’s just be thankful na marami pa ring tao ang may mabuting kalooban na nagsasabi or hindi nagto-tolerate ng ganung klaseng mga gawain.
“So, at least, marami pa rin taong ganun, di ba? Yun na lang isipin natin. Kesa isipin natin yung mga negative na bagay or yung negative side, yung mga yun, isipin na lang natin yung mga magandang bagay,” sabi pa ni Stell.
May pakiusap din siya sa kanilang mga supporters, “Huwag na lang tayong gaganti. Huwag nating buhusan ng… don’t add fuel to the fire. Parang ganu’n.
“Kung ganu’n yung tingin niya, let her be. It’s okay. Let her be. It’s her ano naman e, it’s her opinion. Yun nga lang Hindi tayo sure kung ano yung intention niya. Si God na bahala doon.
“Basta tayo, we just keep on doing the things that we want to do and we are focused on our goals in life And we are focused on building ourselves. Yun lang naman mahalaga,” aniya.
Hangga’t maaari raw ay ayaw na niyang intindihin ang mga kanegahan sa social media para na rin sa kanyang mental health.
“Pag hindi maganda para sa mental health niyo, huwag niyo nang patulan. Huwag niyo bigyan ng platform yung mga taong ganun, okay?”
“Basta pag feeling mo hindi siya maganda sa ‘yo, iwasan mo. Huwag kang papatol. Huwag kang papatol sa mga bagay na feeling mo naman hindi deserve ng oras mo,” saad pa ng singer-songwriter.
Hirit pa niya, “So kung gaganti kayo, gamitan mo na lang ng nice words kesa may manggaling pang masamang bagay sa bibig mo, di ba?
“Kapag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay kesa makagawa ka pa ng masama sa ibang tao. Gantihan mo na lang ng magandang bagay para at least sa dulo wala kang karma. Am I right?” paalala pa ni Stell.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.