Whamos sa ‘ninakaw’ umano na clips: Nasaktan ako, hinihila pa ako pababa!
EMOSYONAL at halos mangiyak-ngiyak ang content creator na si Whamos Cruz matapos siyang mapagbintangang magnanakaw ng video clips.
Magugunitang isa si Whamos sa mga kumasa sa nag-trending na “Piliin mo ang Pilipinas” TikTok challenge kung saan nagbigay-pugay siya sa mga manggagawang Pilipino.
Kabilang na riyan ang balot at taho vendor, barker, takatak, tricycle riders, magsasaka, at kahit mga Marites ay isinama niya rin.
Ngunit makalipas ang isang oras nang ibandera niya ito, biglang nag-post sa Facebook ang video editor na may username na JAK Seventy-Three at ipinakita ang ilang featured clips na kinuha ng content creator mula sa kanya.
Baka Bet Mo: Whamos Cruz pumalag sa mga nanglalait sa pinamigay niyang food packs: Ang intensyon ko doon ay tumulong
Ang mga naturang video clips ay kuha ni Jak sa naganap na Sinulog Festival noong nakaraang taon.
“Whamoscruz stole my videos,” caption niya sa FB kalakip ang isang edited video.
Mabilis na kumalat sa socmed ang isyu at naging usap-usapan na ng maraming netizens, hanggang sa nakarating na rin mismo kay Whamos.
Dahil diyan, nagbigay agad ng paglilinaw ang vlogger upang tuldukan na ang ibinibintang sa kanya.
Inamin ng socmed personality na nasaktan siya sa ginawang pag-call out sa kanya ni Jak.
Paliwanag niya, “Actually, hindi ako ‘yung may kasalanan dito na bakit may na-involve na clip video doon. Una sa lahat, ako po ay isang vlogger, content creator, gumagawa lang din naman ng video pero hindi ibig sabihin ‘nun ako na po ang editor or videographer. Sa part po na entry ko ng ‘Piliin mo ang Pilipinas,’ meron po akong mga tao na nasa paligid ko –videographer, editor. So may cast kami.”
Sey pa ni Whamos, “‘Yun lang sakin, sana minessage niyo na lang po kami and para hindi na po humaba ‘yung isyu kasi ‘yung video clip naman po na ‘yun eh ginamit naman po sa tamang paraan, hindi naman po sa maling paraan.”
Kasabay ng paghingi niya ng sorry, naikuwento niya rin na muntikan nang mawalan ng trabaho ang kanyang video editor.
Baka Bet Mo: Whamos Cruz ibinandera ang pagiging ama, hirit ni Xian Gaza: Huwag naman sana niyang maging kamukha
“Ako na po ‘yung humihingi ng pasensya doon sa editor sa nangyari…actually, sobrang galit na galit nga ‘yung manager ko sa editor ko dahil sa nangyari nga po,” sambit ni Whamos.
Patuloy niya, “Gusto nga po niyang alisin, tanggalin sa production namin. So sinabi ko nalang po na bigyan ng pangalawang pagkakataon. So hindi po namin tinanggal ‘yung editor namin.”
Kasunod niyan, may ipinakita si Whamos na isa pang netizen na kumasa sa nabanggit na challenge na ginamit din ang naturang clip.
Ayon sa kanya, porket kaunti lang ang followers nito ay hindi ito pinansin na gumamit din ng clip mula kay Jak.
“Ang masakit lang po sakin is one hour lang po, na-call out na po ako, pero ito po, 21 hours na po, hindi niya kino-call out na [ninakaw] ang video,” mensahe niya sa video editor.
Dagdag niya, “Pinaparating ko lang sa inyo na ‘yun ang pagkakaiba, ‘yung ang masakit sa akin sa point ko na ‘yun. Kasi wala naman akong intensyon na manapak ng ibang tao, wala akong balak magnakaw ng video ng mga videographer. Hindi ko pagkakamali ‘yun, pagkakamali ‘yun ng editor ko ‘yun, pero ako po ‘yung humihingi ng pasensya sa inyo.”
Giit ni Whamos, “Masakit sa akin na hinuhusgahan agad ako na magnanakaw, hinihila pa ako pababa.”
“Galing ‘to sa puso ko. Humihingi po ako ng pasensya doon sa kinuhaan ng editor ko sa ‘Piliin mo ang Pilipinas.’ Wala akong pakielam kung kumita ‘yung video na ‘yun. Ang gusto ko lang i-present ko po ng maayos kung ano po ‘yung gusto kong nasa puso ko na ipe-present ko para sa Pilipinas ‘yung kultura ng Pilipinas,” pagtatapos ng vlogger.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.