Ice naiiyak kapag sumasagot ng ‘marital status’ sa mga dokumento
UMAASA pa rin ang OPM icon na si Ice Seguerra na mabibigyan ng equal rights ang mga magdyowa mula sa LGBTQIA+ community ng tulad sa heterosexual couples.
Hanggang ngayon ay very positive pa rin ang pananaw ng singer-songwriter pagdating sa pakikipaglaban sa mga karapatan ng mga same-sex couples sa Pilipinas.
Malaking isyu ito para kay Ice at sa kanyang asawang si Liza Diño dahil kahit kasal nga sila sa Amerika ay hindi pa rin kinikilala ang bisa nito dito sa bansa natin.
Sey ni Ice, palagi raw nilang napag-uusapan ng kanyang misis na aktres at producer ang isyung ito at naniniwala sila na darating din ang araw na magiging patas na ang pagtingin ng gobyerno sa mga LGBTQIA+ couples.
“Laging merong pain na kasama kasi ‘yun nga eh, we’ve built a life together, and it’s so weird that business partners have more rights than couples like us na pareho naman, ‘di ba?
View this post on Instagram
“Pareho naman kaming nagbabayad sa bahay,” ang sabi ni Ice sa panayam sa kanya ng “Fast Talk with Boy Abunda” kamakalawa.
Ayon pa sa singer, nirerespeto naman nila ang simbahan kaya hindi rin nila pinipilit na payagan silang magpakasal dito.
“But I think it’s also important for the state to recognize the rights that couples like us exist. Hindi puwedeng dahil sa mga beliefs eh iiisang tabi n’yo ‘yung karapatan din ng marami sa atin,” ang punto ng award-winning OPM artist.
Rebelasyon pa ni Ice, napakahirap para sa kanya at malamang sa iba pang same-sex couples na lagyan ng check ang salitang “single” sa marital status ng mga pinipirmahang dokumento.
“Nakakaiyak siya. Hindi ako single, eh. Alam ko may asawa ako eh. Bakit kailangang single ko i-tick?
“Doon ko lang din na-realize na ang swerte ng mga heterosexual couples na sometimes they even take it for granted. For people like us, na wala ‘yung ganoong karapatan, it means so much,” aniya pa.
Ikinasal sina Ice and Liza sa San Francisco, California noong December, 2014 at muling nagpakasal sa Laiya, Batangas noong January, 2015.
Samantala, abangers na ang lahat ng supporters ni Ice sa kanyang first major concert ngayong 2024, ang “Videoke Hits” na gaganapin sa Music Museum sa May 10 at 11.
View this post on Instagram
Ang “Videoke Hits” ay para sa lahat ng mga mahihilig mag-videoke o karaoke kung saan pwedeng-pwedeng maki- jamming ang lahat ng nasa audience.
“My favorite pastime is singing talaga. Mayroon pa kaming sariling portable videoke machine na dala ko kahit saan. Sa tuwing gusto kong mag-destress, ang kailangan ko lang ay maghanap ng mic, pumunta sa Youtube para sa lyrics, solve na,” ani Ice.
Makikita ang husay ni Ice sa stage na may karaoke vibe, at nagbibigay-daan sa mga fan na maranasan ang kanilang mga paboritong hit na may twist na siguradong si Ice lang ang makakagawa.
Mula sa mga classic ballad hanggang sa mga sikat na sikat ngayong chart-toppers, ang setlist ay magtatampok ng magkakaibang choice ng kanta na pinili ng kanyang mga tagahanga.
Bago kasi ito ay nagtanong si Ice sa pamamagitan ng kanyang social media pages kung anu-anong songs ang gustong-gustong kinakanta ng mga netizens sa videoke.
“One trivia about me ‘pag nagbi-videoke ako, I don’t want to sing my own songs kasi feeling ko, trabaho. So sa videoke ko inilalabas ‘yung mga paborito kong kanta na hindi ko makita sa shows.
“From birit songs to Broadway to just about anything. Kaya naman sobrang excited ako sa Videoke Hits because I get to sing and perform my favorite videoke songs and share it with my fans, of course with the Ice twist,” sey niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.