Kristoffer Martin aminadong naging ‘crush’ si Kathryn Bernardo
MAY lihim na pagtingin pala noon ang aktor na si Kristoffer Martin sa aktres na si Kathryn Bernardo.
Ito ang kanyang inamin nang makapanayam siya ng veteran journalist na si Pia Arcangel sa podcast na “Surprise Guest with Pia Arcangel” noong April 3.
Sa bahagi ng interview, inalala ni Kristoffer ‘yung mga panahon na tumampok siya sa Philippine adaptation ng Korean drama series na “Endless Love” na umere noong 2010.
Nakasama niya riyan si Kathryn, pati na rin ang celebrity couple na sina Marian Rivera, Dingdong Dantes at Dennis Trillo.
Baka Bet Mo: Kristoffer Martin tunay na ‘kuya’ na ang turing kay Alden: Ang payo niya sa akin magdasal lagi, kapit lang kay Lord…
Gumanap si Kristoffer na young Dingdong sa serye, habang si Kathryn naman ang batang Marian bilang mga bidang karakter na sina Johnny at Jenny.
Unang naitanong ni Pia kay Kristoffer kung mahirap bang i-portray ang role na may love interest bilang nasa edad 13 pa lang siya noon.
“Parang high school po ako no’n, parang lahat naaapektuhan ako no’n kasi bata e… Mas madali po siya kasi maharot po ako nung teenage years ko,” sagot ng aktor.
Kasunod niyan, naungkat na nga kung nagkaroon ng crush si Kristoffer sa Box-Office Queen.
Deretsahang pag-amin ng aktor, “Opo.”
“For me, it added na lang din doon sa chemistry namin, kung paano namin siya ginawa,” chika niya.
Aniya pa, “Pero syempre hindi ko po inamin sa kanya ‘yun.”
“Tsaka sana di niya ‘to mapanood,” dagdag pa niya habang natatawa.
Kung maaalala, noong Pebrero lamang nang inihayag ni Kristoffer ang kanyang pagnanais na muling makatrabaho si Kathryn.
“Kath, baka naman ‘di ba? Work tayo. Sayang ‘yung ‘Endless Love’ oh. Tuloy natin,” panawagan niya sa naging interview sa “Fast Talk with Boy Abunda.”
Samantala, kasalukuyang mapapanood si Kristoffer sa Kapuso afternoon series na “Makiling” starring Elle Villanueva at Derrick Monasterio.
Ginagampanan niya ang karakter bilang si “Seb” na isa sa mga kinaiinisang kontrabida sa programa.
Umeere ang “Makiling” mula Lunes hanggang Biyernes sa GMA Afternoon Prime, 4:05 p.m.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.