Jon Lucas napasabak sa showbiz para mapauwi sa Pinas ang inang OFW
PARANG eksena sa mga teleserye at pelikula ang ilang bahagi ng buhay noon ng Kapuso hunk actor na si Jon Lucas.
Kuwento ng kontrabida ni Ruru Madrid sa Kapuso primetime series na “Black Rider“, dala rin ng pangangailangan ng pamilya kaya nagdesisyon siyang mag-artista.
Ayon sa dating member ng Hashtag, wala naman daw talaga siyang balak mag-showbiz dahil ang pangarap daw niya ay maging professional athlete.
Pagbabahagi ni Jon sa “Surprise Guest with Pia Arcangel” podcast, bata pa lang ay nais na niyang maging basketball player.
Baka Bet Mo: Rayver, Kylie, Jak nagbigay ng love advice sa isa’t isa; kissing scene ni Jon Lucas sa MTV ikinagulat ni misis
Sa katunayan, nais niyang makapasok sa collegiate basketball at pagkatapos ay itutuloy niya ito sa Philippine Basketball Association o PBA. Pero hindi nga niya ito natupad dahil mas inuna niyang makatulong sa kanilang pamilya.
“Nu’ng after ko mag-high school, nag-audition na po agad ako para sa showbiz kasi nga, gaya po ng nabanggit niyo kanina na isa sa mga clue, tinulungan na po natin ‘yung parents namin na mapag-aral po ‘yung kapatid ko,” lahad ni Jon sa naturang panayam.
View this post on Instagram
Pagbabalik-tanaw ng Kapuso actor, plano na raw mag-OFW ang kanyang nanay dahil kinakapos na sila sa budget para sa pag-aaral ng bunso niyang kapatid.
Kasunod nito, nag-decide na siyang mag-audition sa iba’t ibang productions at kapag nakakuha ng mga projects ay hindi na kailangang mangibang-bansa ng kanyang nanay.
“Kaso nga, Miss Pia, nu’ng time na nag-audition po ako, gawa ng wala pa ‘yung mga resulta o wala pang call ulit, natuloy ho ‘yung mommy ko na makapag-ibang bansa.
Baka Bet Mo: Jelai Andres binatikos ng netizens sa pagkamatay ng lola; Jon to the rescue
“For two months yata ako nag-aabang, ‘yung two months na ‘yun, nandu’n na ‘yung mommy ko sa ibang bansa,” aniya.
Makalipas ang ilang buwan, sinabi raw sa kanya ng nanay niya na kapag hindi pa siya nakabalik ng Pilipinas ng December ay kailangan na niyang pumirma ng two-year contract para magpatuloy magtrabaho bilang OFW.
At nang sumapit nga ang December ay nakatanggap ng good news si Jon — natanggap na siya sa ilang auditions na sinubukan niya.
“Natatandaan ko pa po, December 12, 2012, kasi mahalagang araw po sa akin ‘yan, natanggap po ako, tumawag agad ako sa daddy ko at sinabi ko dun na natanggap ako,” kuwento ng aktor.
Sinabihan daw agad ni Jon ang tatay niya na mangutang ng pera para makabili na ng ticket ang nanay niya pabalik ng Pilipinas.
Ayon kay Jon, “Awa ng Diyos, first-ever taping day ko sa buong buhay ko, kasama ko na si Mommy.”
At in fairness, nagsunud-sunod na nga ang mga projects ni Jon lalo na nang mapunta siya sa GMA 7.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.