KMJS sa ‘Killua’ episode: ‘Walang puwang ang animal cruelty sa lipunan!’
NAGLABAS ng pahayag ang magazine program na “Kapuso Mo, Jessica Soho” o KMJS matapos umere ang latest episode nitong Linggo, March 31.
May mga manonood kasi ang tila nadismaya sa pagkakabuo ng istorya kaugnay sa pinaslang na Golden Retriever sa Camarines Sur na si Killua.
Ang sabi ng ilan, lumalabas sa nasabing episode na pinapanigan umano ng programa ang killer ng fur baby.
Pero ayon sa KMJS, binigyan lamang nila ng pagkakataon ang mga nasangkot sa insidente na magsalita at pakinggan ang kanilang panig bilang isang mamamahayag.
Baka Bet Mo: ‘Hindi self-defense ang pagpaslang sa Golden Retriever na si Killua’ –PAWS
“Nakarating sa aming kaalaman ang saloobin ng ilang manonood na nagsasabing binibigyang-katwiran ng aming ulat ang ginawang pagpatay sa asong si Killua. Mariin po namin itong pinabubulaanan,” saad sa statement.
Giit ng programa, “Kagaya ng iba naming mga report, kinuha namin ang salaysay ng fur parent ni Killua, ng tanod, at iba pang nakasaksi sa pangyayari, sa ngalan ng patas na pamamahayag.”
Nilinaw rin ng KMJS na nabanggit nila sa segment na “hindi nararapat patayin ang aso kahit pa nakakagat ito at paparusahan ang mga lalabag sa Animal Welfare Act.”
Patuloy nila, “Hinihikayat din ang lahat na maging responsableng dog owner.”
“Naninindigan ang KMJS na kailanman walang puwang ang animal cruelty sa ating lipunan. Maraming salamat po,” ani pa ng show.
Baka Bet Mo: ‘KMJS’ naglabas ng pahayag kaugnay sa ‘nakawan ng photocards’, nakiusap na tantanan ang pamilya ni ‘Bea’
Tiningnan ng BANDERA ang uploaded segment na tinutukoy ng show at nabasa nga namin na may iilan ang nagpahayag ng kanilang hindi pagsang-ayon umano sa video, at marami naman ang gigil na gigil sa pumaslang kay Killua.
Narito ang ilan sa mga nabasa namin sa comment section:
“KMJS has failed this episode. What happened to Killua and to every dog that’s ABUSED mapa with breed ba ‘yan or wala is an eye opening to ANIMAL CRUELTY. I just hope they had used their platform to strengthen the rights of ANIMALS.”
“May buhay din ang aso, may buhay din ang tao. Sana [naging] patas. Sige try kitang habulin ng pamalo hindi ka tatakbo.”
“Okay lang naman mag-self defense pero grabe ‘yung papatayin talaga ‘yung aso. Kung napalo mo ‘yun ng malakas tatakbo na ‘yung aso e. Talagang gusto niya lang patayin.”
“Mali hindi ninyo dapat patayin ang aso kasi paano ninyo malalaman kung may rabies ba…mag-try kayo mag-alaga ng hayop tas ganyanin namin hindi ba kayo magagalit.”
Magugunita na mainit na pinag-usapan sa social media noong nakaraang buwan ang post ng fur parent matapos matagpuan na duguan at walang buhay ang alaga sa loob ng sako.
Ayon sa animal offender, tinugis ni Killua ang kanyang anak kaya nagawa niya itong patayin.
Ngunit base naman sa CCTV footage na ibinandera ng nag-aalaga kay Killua na si Vina Rachelle Arzas, si Anthony ang humahabol sa aso habang paulit-ulit itong pinapalo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.