LA Tenorio pinagaling ni Padre Pio, hindi lang daw basketball ang purpose
NANINIWALA ang PBA superstar na si LA Tenorio na ang pagiging deboto ni Padre Pio ang isa sa naging sandata niya sa paglaban sa sakit na cancer.
Inamin ni LA na tinaguriang “El Tinyente” sa PBA na halos pagsakluban siya ng langit at lupa nang ma-diagnose ng Stage 3 colon cancer noong 2023.
Bukod daw sa kanyang pagpapagamot, malakas ang pakiramdam ng binansagan ding “Speed” at “Pambansang Reverse” sa professional basketball league na ang debosyon niya kay Padre Pio ang talagang nagpagaling sa kanya.
Ibinahagi ni LA sa guesting niya sa “Biyahe ni Drew” na February 22, 2023 nang malaman niyang nasa stage 3 na ang kanyang colon cancer.
Isa sa mga senyales ng pagkakaroon ng colon cancer o colorectal cancer ay ang pag-iiba ng itsura at hindi mapigilan ang pagdami ng mga normal tissue ng colon at rectum hanggang sa magkaroon ng bukol na maaaring maging cancer.
Baka Bet Mo: LA Tenorio personal na nag-alay ng dasal sa Our Lady of Antipolo para sa paggaling ng kanyang stage 3 colon cancer
“That was the time na nalaman ko after I went to my doctor and did a colonoscopy.
“While playing with an injury, nagkakaroon ako ng blood spots sa stool,” pahayag ni LA.
“I told my wife na papa-check up ako after. Nag-schedule ng colonoscopy, nakita right away ‘yung tumor. It’s a three centimeter na tumor,” dagdag pa niya.
“Hindi pa rin ako makapaniwala. I was still hoping na after two days doon sa result ng biopsy, negative pa rin. Pero wala.
“After two days na na-confirm namin na it’s really malignant,” pagbabahagi pa ni LA.
Aside from undergoing chemotherapy session, sinabi ni LA na isa sa mga kinapitan niya habang nakikipaglaban sa cancer ay ang milagrosong santo na si Padre Pio.
“Ang laking pagbabago of my perspective in life. Number one is it really strengthened my faith,” sabi ng cager. Nagsimula raw ang pagiging deboto niya kay Padre Pio nang ipakilala ito sa kanya ng mga magulang.
Palagi raw niyang dala ang relic ni Padre Pio kahit saan siya magpunta, “Kasi nu’ng nagkasakit ako, karamihan ng mga kaibigan, mga kamag-anak, puro Padre Pio relic ang ibinibigay sa akin.
“Alam nila na nakakapagpagaling talaga si Padre Pio ng mga may sakit, lalo na ‘yung mga may malalang sakit,” sabi pa ni LA.
Pagbabahagi pa ng PBA player, after 12 session ng chemotherapy, idineklara siya ng mga doktor na cancer free.
“We tend to take things for granted. Hindi natin nare-realize how important they are in our lives.
“Binigyan ako ng pagkakataon ulit ng ating Panginoon to have a higher purpose. It’s more than basketball already,” lagad pa ni LA.
Sa mga hindi pa masyadong aware, si Padre Pio ay paring Italyano na naging santo noong 2002. Nakilala siya sa buong mundo dahil sa kanyang stigmata o pagkakaroon ng mga sugat na katulad ng kay Hesukristo noong ipinako Siya sa krus.
Base sa mga ulat, marami nang mga deboto na may malulubhang sakit ang nagpatunay na napagaling sila ni Padre Pio.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.