Vice Ganda ‘kinilig’, ibinandera ang pa-Valentine’s Day card ni Kulot
HINDI lang pala bibo at talented ang viral kid na si Princess Katherine Caponpon o mas kilala ngayon bilang si “Kulot,” dahil ipinakita niya rin na napaka-sweet niya ring bata!
Sa pamamagitan ng Instagram Stories, ibinandera ng Unkabogable Star na si Vice Ganda ang natanggap na Valentine’s Day card na ginawa at ibinigay ni Kulot para sa kanya.
Mababasa riyan na inisa-isa ng tsikiting ang mga pinagpapasalamat niya sa comedienne-actress.
Kabilang na riyan ‘yung pinasikat siya, binigyan ng hosting gig sa noontime show na “It’s Showtime,” at pinahiram ng condo para may matutuluyan si Kulot at ang kanyang pamilya habang nandito sa Maynila.
“Happy Valentine’s Day po Meme Vice,” wika sa kanyang card.
Baka Bet Mo: Kulot naiyak sa ‘Showtime’, payo ng concerned netizen: ‘Please consult a child psychologist’
Mensahe ni Kulot sa TV host, “Thank you po meme sa pagpapasikat sa akin at thank you din po sa pagpapadala sa akin dito sa Showtime…Thank you din po sa pagpapatira sa inyo pong condo.”
“Sorry po pala kung minsan hindi po kita nayayakap kasi po nahihiya po ako, pero mahal po kita Meme Vice,” dagdag niya.
Ani pa ng viral kid, “Salamat po meme. Love you po.”
Kung maaalala, si Kulot ang batang Batangueña na unang nakilala sa viral video na sinesermunan ang kanyang tatay na nasa inuman.
Ang video ay umabot na sa 17 million views na talagang kinaaliwan ng mga netizens dahil nga sa pakikipag-usap nito sa ama na parang matanda na.
Mapapanood pa nga sa nasabing video si Kulot na may hawak na pamalo at pinagagalitan ang kanyang tatay dahil sa pakikipag-inuman nito.
Papaluin daw niya ang ama sa puwet kapag hindi pa umuwi sa bahay nila.
At ngayon, si Kulot ay isa na sa mga batang host ng nabanggit na programa under ng “Isip Bata” segment.
Kasama niya riyan ang ilan pang “Batang Cute-po” na sina Argus, Lucas, at Colyn.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.